Abante Tonite Interactive

Rapist-killer ni baby boy parusahan — Palasyo

425

Nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kalunos-lunos na sinapit ng sanggol na lalaking hinalay at pinatay ng isang lasing na construction worker sa Makati City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na gaya ng publiko, matinding galit ang naramdaman ng Pangulo dahil pati walang muwang na sanggol ay nakaranas ng karumal-dumal na krimen.

Mahigpit na kinondena ng Palasyo ang insidente at inatasan ng Pangulo ang Philippine National Police (PNP) na tiyaking maparusahan ang suspek sa krimen.

“We condemn in the strongest terms the barbaric rape and murder of a one-year-old boy in Makati. The tragic news has reached the attention of the President and he, like all Filipinos, has been extremely outraged by this heinous criminal act,” ani Panelo.

Kasabay nito pinapurihan ng Malacañang ang PNP dahil sa maagap na pag-aresto sa suspek na si Gerald Riparip.

Sa ngayon ay isinailalim na sa inquest proceedings ang 27-anyos rapist-killer na naganap nitong Martes nang mada­ling-araw sa Makati City.

Alas-dos nang hapon nang isampa ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Makati City Police sa Makati Prosecutor’s Office ang kasong rape with homicide laban sa suspek. (Aileen Taliping/Armida Rico)