Abante Tonite Interactive

Rappler elitista kaya ayaw sa akin – Duterte

624

Aileen ­Tali­ping

Pinatamaan muli ni Pangulong Rodrigo ang online news site na Rappler na pinamumunuan ni Maria Ressa, sa kanyang pagdalo sa campaign rally ng mga senatorial bet ng PDP-Laban sa Marikina City noong Miyerkoles.

Sa kanyang talum­pati, inisa-isa ng Pangulo ang mga binabatikos laban sa kanya katulad ng hindi umano edukado at bastos ang bunganga.

“Tama, hindi ako edukado. Ang natapos ko College of Law lang. Abogado ako. Sabi nila hindi daw ako statesman. Tama. Kasi marami man tayong abogado. Wala mang subject na statesman diyan sa ano curriculum natin. Meron ba?,” anang Pangulo.

“Sabi nila bastos daw. Tama. Bastos talaga bunganga ko. P***** i** pagka ganon kaharap ko, itong mga durugista pati itong bastos mga media, lalo ko ‘yan silang binabastos para lalong magsulat nang magtrabaho,” dagdag ng Pangulo.

Kasunod nito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw siyang maging presidente ng mga mayaman na may dyaryo dahil hindi siya kabilang sa “ruling elite” ng Pilipinas.

“Kasi kayong mga mayaman na may mga newspaper, iyong mga UP ano graduates kuno, ‘yung mga commentator, sila man ang may-ari niyang ano, ‘yung Rappler. Kasi in the first place, you did not want me to be President because I do not belong to any of the ruling elite in this country,” anang Pa­ngulo.

Pero wala umanong pakialam ang Pangulo dahil ibinoto siya ng mga tao.

“I am not your President. Manigas na kayo. Para sa tao ako. Kasi ang tao ang nagboto sa akin. Biro mo 6 million ang majority ko. Des­pite of your lahat na propaganda itinapon ninyo,” diin pa ng Pa­ngulo.