Abante Tonite Interactive

Rappler kontrolado ng dayuhan, iligal iyan — Palasyo

283

Ipinagtanggol ng Ma­la­cañang na ligal ang pondong nanggagaling sa mga dayuhan para sa mga proyekto ng gobyerno.

Tugon ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo nang matanong kung bakit binabatikos ng pamahalaan ang mga media outlet na tumatanggap ng foreign funding samantalang tumatanggap din ng foreign aid ang gobyerno.

“Baka ang sinasabi siguro niya ‘yung foreign funding ng Rappler. E illegal nga ‘yun eh,” sabi ni Panelo.

Binigyang-diin pa nito na ang mga kompanya sa mass media ay dapat na pag-aari lamang ng mga Pilipino.

“Kasi dapat ang corporation e Pilipino lamang. Ang sinasabi niyang foreign funding (para sa gobyerno) e iba naman ‘yun, loans naman ‘yun. Hindi iligal ‘yun. ‘Yun ang kinaibahan dun,” ani Pane­lo.

Matatandaang bina­wi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Certification of Incorporation ng Rappler noong 2018 dahil sa paglabag umano ng nasabing online news site sa Saligang Batas kung saan nakasaad na mahigpit na ipinagbaba­wal ang pagmamay-ari ng mga dayuhan ng mass media sa Pilipinas.

Noong Marso ay binasura ng Court of Appeals ang motion for reconsideration na inihain ng Rappler dahil hindi umano ito 100 porsiyento na pag-aari ng Pilipino. (Prince Golez)