Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Rappler-Ressa supalpal sa cyber libel

0 512

Ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 46 ang motion for partial reconsideration na inihain ni Rappler chief executive officer Maria Ressa at dating researcher-writer Reynaldo Santos Jr. na muling isaalang-alang ang cyber libel conviction laban sa kanila.

Sa kanilang mosyon, hiniling nina Ressa na baligtarin ang inilabas na desisyon ng korte noong Hunyo 15 kaugnay sa kasong cyber libel na isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng.

Sa inilabas na kautusan ni Manila RTC Branch 46 Judge Rainelda Estacio Montesa, ibinasura nito ang mosyon dahil sa kawalan ng merito. Nanindigan ang hukom sa kanyang desisyon na nagkaroon ng republication at ang prescription ay hindi pa napapaso sa inilathalang artikulo ng Rappler laban kay Keng noong 2012.

“As an end note, the court want to reiterate that the court is mandated to decide solely on the basis of evidence presented by the parties and to apply law, nothing more, nothing less,” nakasaad sa order ni Montesa.

Una nang hinatulan ng korte sina Ressa at Santos ng minimum na anim na buwan at isang araw hanggang sa maximum na anim na taong pagkabilanggo at pinagbabayad pa kay Keng ng P400,000 bilang moral at exemplary damages.

Nakalalaya sina Ressa at Santos sa bisa ng piyansa hanggang hindi pa nagkakaroon ng pinal na desisyon ang Supreme Court. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.