Abante Tonite Interactive

Rated PG ang SONA ng Pangulo

By
708

Ngayon lang natin masasabing bawal pa­kinggan ng kabataan o menor de edad ang talumpati ng isang ­Pa­ngulo ng bansa sa State of the Nation Address (SONA).

Suspendido ang klase sa Quezon City dahil sa inaasahang problema sa trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sanhi ng mga kilos protesta.

Kaya naman ang mga batang estud­yante ay nasa bahay lang pero kailangang bantayan ang mga ito upang huwag mapa­kinggan ang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Maaari kasing magbitaw na naman ng masasamang salita tulad ng malulutong na mura ang Pangulo laban sa mga taong kinaaasaran nito at mga isyu na kanyang binabatikos.

Bilang isang magulang, pinagbawalan ko ang aking mga anak na makinig sa SONA ng Pangulo dahil baka mapakinggan lang nila ang kanyang mga masasamang sasabihin at pagmumura.

Binibigyan dapat ng mga magulang ng ga­bay ang kanilang mga anak kapag napanood at napakinggan ang pagmumura ng ­Pangulo na ang madalas na termino ay “Papatayin ko yan”.

Kaya nga dapat ay ideklarang rated PG o parental guidance Ang SONA ng Pangulo para sa mga nais na sumubaybay. Pero para sa akin, huwag ng pag-aksayahan pa ng oras ng mga batang estudyante ang SONA ng Pangulo dahil baka matutunan pa nila ang mga masasamang sa­sabihin nito.

Pinapayuhan na pakinggan ng mga estudyante ang SONA ng mga nakaraang lider na bansa dahil maaa­ring makapulot sila ng matinong punto at wisdom, pero ngayon ay delikado.

Gayunpaman para sa mga taong may sapat na edad, pakinggan nang mabuti ang sa­sabihin ng Pangulo sa SONA at kunin ang mga pangako niya noong kampanya sa eleksiyon kung ito’y natupad ba, at kung ang kanyang mga ipapa­ngakong muli ay may pag-asa bang matupad o binobola lang ang publiko.