Abante Tonite Interactive

Ravena, Go, Nieto harabas sa Ateneo

By
159

Mga laro ngayon: (Ynares Arena, Pasig)
1 pm – Opening Ceremonies
2 pm – Cignal-Ateneo vs. Go for Gold-CSB
4 pm – Marinerong Pilipino vs. Valencia City

Sisindihan ng Cignal Ateneo ang hostilidad ng 9th PBA D-League 2019 Cup sa pakikihamok sa Go for Gold-CSB sa season-opening game mamaya sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Nasa Aspirants Group ang Hawkeyes, bitbit ang core ng UAAP champions Blue Eagles.

“This time of the year is for the individual deve­lopment of our players and we want to focus on how we’re playing as a team,” ani Ateneo coach Tab Baldwin. “We’re trying to deve­lop PBA players and Pilipinas players here.”

Sina Thirdy Ravena, Isaac Go at Matt Nieto ang magdadala sa Cignal-Ateneo, kasama si Ivorian big man Ange Kouame na mamando sa paint.

Kampeon ng Foundation Cup ang Go for Gold-CSB, pero aminado si coach Charles Tiu na mahihirapan sila ngayon dahil 19 teams ang kanilang kalaban.

Sasandal si Tiu kina Justin Gutang at Fil-Am sharpshooter Roosevelt Adams.

Mag-uunahan din sa buwena-manong panalo sa Foundation Group ang Marinerong Pilipino at Valencia City Bukidnon-SSC sa pangalawang laro.

Babanderahan nina La Salle forward Santi Santillan at Ateneo gunner Anton Asistio ang Skippers, sina Allyn Bulanadi at RK Ilagan ang magdadala sa Golden Stags.