Abante Tonite Interactive

Rayuma ba kamo?

362

Kamakailan may nagtanong sa atin, “masakit ang kasukasuan ko, sabi sa akin ng kapitbahay ko na rayuma ito, at ibinigay sa akin ang gamot niya, ano ang dapat gawin?” Ang sagot natin ay hindi lahat ng sakit sa kasuka­suan ay rayuma. Una sa lahat ay kung may mara­ramdaman, sa klinika o ospital po dapat pumunta para kumunsulta at maeksamin nang husto ng doktor. Hindi lahat ng sintomas ay pare-pareho ang karamdaman at hindi lahat ng karamdaman ay pare-pareho ang sintomas. Kaya ang inireseta sa ibang tao ay maaaring maging mabisa sa inyo, o maging mas delikado at malamang baka makasama pa sa kalagayan niyo.

Ang karamdaman ng kasukasuan ay tinatawag na arthritis, ngunit ang sanhi nito ay iba-iba. Ang rayuma ay isa sa mga ito na nakuha sa salitang rheumatoid arthritis. Ito ay isang autoimmune disease. Ibig sabihin nasa dugo na ‘yan. Kadalasan inoobserbahan at ginagamot lamang ang mga sintomas, katulad ng kirot, kung mayroon. Ang kirot na mararamdaman dito ay pares pares — ibig sabihin ay parehong kamay, parehong siko o parehong tuhod.

Maaaring may kaakibat itong pagbaba ng bilang ng pagkapula ng dugo o anemia o pamamaga ng baga at puso. Sa mga mas nagkakaedad na kadalasan nagsisimula ito, ngunit maaari ring mangyari sa mga mas bata na tinatawag na juvenile rheumatoid arthritis. May mga katulad ito na sintomas na ibang karamdaman, tulad ng SLE o systemic lupus erythematosus, psoriasis o sakit sa balat, at fibromyalgia o malalang pananakit ng muscle.

Hindi klaro ang pinagmulan nito ngunit kung tunay na rheumatoid ang problema, panghabang buhay na ito. Kung wala namang ibang sintomas, baka naman hindi rheumatoid ang dahilan. Sa mga may edad, o senior citizen, kadalasan degenerative osteoarthritis ang dahilan. Kung sa mga mas bata naman, hindi ang kasu­kasuan ang problema kundi ang muscle at mga litid na nakakabit dito. Kadala­san kapag mahina ang muscle, napuwersa (strain), o bugbog sarado sa trabaho at bumigay (fatigue). Hindi rin naman agad-agad mananakit ang mga ito. Ang madalas mamaga ay ang dugtungan ng litid nito sa buto, kung kaya nagmimistulang ang kasukasuan ang problema. Ito ay makikita sa pama­magitan ng eksaminayon ng doktor niyo. Kung muscle lamang ang problema, simpleng pahinga lang ay malaking bagay agad ang nagagawa sa paghilom nito. Kasunod nito ay ang tamang ehersisyo upang mapalakas ang katawan nang mabuti.

Ang pinakaimportante ay madiskubre ng doktor kung ano ang sanhi ng problema, makumpirma ng mga eksaminas­yon at laboratoryo o ima­ging, para mabigyan ng pinakamagandang lunas na para sa inyo lamang at hindi kung kanino man.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopae­dic surgeon, nutrigeno­mics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Cen­ter. Spea­ker sa iba’t ibang talaka­yan (medical man at iba pa, dito at internas­yonal). Isang persona­lidad sa pelikula, tele­bisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusu­gan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gami­tin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.