Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Recruitment agency na-scam

0 43

Ni Nancy Carvajal

Nirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) na kasuhan ang tatlong dating opisyal ng isang recruitment agency na may mga transaksiyon sa Gitnang Silangan.

Ito’y dahil sa hindi umano awtorisadong paggamit sa lisensiya at bank facilities ng Skyworld Recruitment Agency na dati nilang employer.

Sa ulat ng NBI Special Action Unit, kinilala ang mga akusado na sina Soledad Tagle, Taha Ahmed Abdulazin Mouusa at Princess Diana Pareja, na mga dating empleyado ng Skyworld kung kaya’t nagkaroon ng access sa mga operasyon ng ahensiya.

Sa kasalukuyan, ang mga akusado ay siyang nagpapatakbo ng Topmost Manpower Specialist at ginamit umano ang bank account ng Skyworld. Ginamit din umano ng mga ito ang pangalan ng dati nilang employer para magpasok ng placement contract.

Nahaharap sila ngayon sa mga kasong estafa, fraud at pamemeke ng mga dokumento, ayon sa NBI report.

“The accused have been engaged in illegal recruitment and placement activities using the bank facilities and license of Skyworld,” nakasaad sa NBI report.

Base sa isinampang reklamo ng Skyworld sa NBI, dahil sa mga iligal na mga aktibidad ng mga akusado na ginamit ang kanilang kompanya ay inimbestigahan sila ng Foreign Recruitment Placement Agency (FRA) na nakabase sa Riyadh at pinagbawalan na magsagawa ng operasyon sa Saudi Arabia.

Bukod sa ban, inatasan din umano ang Skyworld para bayaran ang Amal Al Awael Recruitment Agency, isang miyembro ng FRA, ng halagang $65,000.

Nabatid na naghain ng reklamo ang Amal Al Awael, isang Saudi Arabia recruitment agency, matapos na mabigo ang mga akusado na tuparin ang kanilang deployment contract.

Mariin namang itinanggi ng Skyworld na wala silang transaksiyon sa nasabing recruitment agency na nakabase sa Saudi.

Dahil dito kung kaya’t nagpasaklolo na ang Skyworld sa NBI para malinis ang kanilang ahensiya sa kasalanan at para maalis na ang ban upang makapagpatuloy ng pagpapadala ng mga overseas Filipino worker.

Leave A Reply

Your email address will not be published.