Abante Tonite Interactive

Red Dragon Poker Series dinomina ni Campomanes

225

Patuloy sa pag-ukit ng kanyang sariling pangalan ang anak ng yumaong da­ting FIDE president, Floren­cio Campomanes, na si Florencio IV.

Bago umeksena ang Taal nitong weekend, si Campomanes ang main attraction sa Okada Manila dahil sa magkasunod na magandang performance nito sa Red Dragon Poker Series na sinamahan pa ng suwerte sa flip out para sa PokerStars Players Championship (PSPC) Platinum Pass.

Bagama’t siya ang natatanging Pinoy sa final table, si Campomanes ang nangibabaw sa Red Dragon Main Event para makuha ang premyong P13,815,070.

Una rito ay naiuwi ni Campomanes ang Platinum Pass para sa libreng buy-in, airfare at accommodation sa PSPC na gaganapin sa Barcelona, Spain mula Agosto 20 ngayong taon.

Nabanggit na natin sa nakaraan nating kolum na pasok din sa final table ng High Roller Event. Ang hindi natin nasabi ay siya ang pumangalawa kay Lester Edoc sa nasabing event para sa prem­yong mahigit sa P3.5 milyon.

Pero kung si Campomanes ang tatanungin, nagsimula lahat ng kanyang tagumpay sa poker noong Agosto ng nagdaang taon. Ito ay nang maging kampeon siya sa APPT Manila Main Event kung saan nakapagbulsa siya ng P11 milyon.

Ang panalong iyon ang nagbigay sa kanya ng kumpiyansa na makipagsabayan sa mga beteranong poker professionals.

Nakatakdang maging guest bukas sa Abante Sportalakan si Campomanes kaya may pagkakataon tayo na makakuha ng tips sa paglalaro ng poker.

Abangan ninyo rin ang feature story tungkol sa kanya sa Lodi Atletiko.
Walang kuwestiyon na si Mike Takayama pa rin ang numero uno nating poker player, pero mukhang handa na si Campomanes na agawin sa kanya ang korona.