Abante Tonite Interactive

Red Jersey kay Bordeos pa rin

235

Nanatili ang general individual classification overall kay Mark Julius Bordeos ng Bicycology Shop-Army matapos ang Stage 2 ng LBC Ronda Pilipinas 10th Anniversary race kahapon na natapos dito sa harapan ng Legazpi City Hall.

Dumating na ika-17 ang 24 na taong-gulang na si Bordeos pero hindi ito natinag sa tuktok kaya mananatili sa kanya ang Red Jersey pagkarga ng Stage 3 ngayong araw.

Nakalikom si stage 1 winner Bordeos ng anim na oras, 56 minuto at 34 segundo. Lamang siya ng tatlong segundo sa pumangalawang si Jerry Aquino Jr. ng Scratch It.

Nasa pangatlo si George Oconer ng Standard Insu­rance-Navy habang pang-apat si Rustom Lim ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Phili­ppines.

Samantala, nakipagbanatan si Ryan Tugawin ng Tarlac Central Luzon team sa mga tigasing siklista upang sikwatin ang Stage 2 matapos maki­pagkaskasan papunta sa meta kina Ismael Grospe Jr. ng Go For Gold at Oconer.

“Pinanood ko lang sila, sa likod lang ako tapos noong makita ko si George (Oconer) na kumawala ay sinundan ko siya,” kuwento ni Tugawin, 30.

Nirehistro ng tubong Solano, Nueva Viscaya ang tatlong oras, 50 minuto at 37 segundo sa event na suportado ng LBC at mga inisponsoran ng Manny V. Pangi­linan Sports Foundation kasama ang Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.

Dumating na segundo si Grospe, at tersero si Oconer. (Elech Dawa)