Abante Tonite Interactive

Red October

By
375

Sa tuwing mababanggit ang “Red October”, ang unang sumasagi sa isipan ko ay ang 10 araw sa Russia noong 1917 kung saan matagumpay na nakapaglunsad ng rebolusyon ang mga Bolshevik na pinamunuan ni Vladimir Ulyanov na mas kilala sa tawag na Lenin.

Ang Amerikanong peryodista at komunistang si John Reed ay nakasaksi sa mga pangyayari bago maganap ang kauna-unahang matagumpay na “proletarian revolution” na sa pangunguna ng mga Bolshevik (mayorya ng Russian Social Democratic Labor Party) na kinalaunan ay tinawag na Communist Party of the Soviet Union o CPSU.

“Great October Socialist Revolution” ang opisyal na tawag ng CPSU sa kanilang 1917 revolution na nagpabagsak sa gobyerno ni Alexander Kerensky na 10 buwan lang ang itinagal mula nang February 1917 revolution na siya namang nagpabagsak kay Tsar Nicolas II.

“Ten Days That Shook the World” ang pamagat ng isinulat na libro ni John Reed tungkol sa 1917 Russian Revolution na siya naging basehan ng 1982 Hollywood film na “Reds” na pinangunahan ni Warren Beatty na siya ring direktor ng pelikula.

“Red October” din ang pangalan ng Russian nuclear submarine na may “stealth mode” sa techno-thriller ni Tom Clancy na may pamagat na “The Hunt for Red October” na naging pelikula at pinangunahan ni Sean Connery bilang captain at commander ng “Red October”.

Hindi ko lang alam kung saan hinugot ng Armed Forces of the Philippines and “Red October Plot” na sabwatan umano ng Communist Party of the Philippines (CPP), Libe­ral Party at grupong Magdalo para pabagsakin ang administration ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero kung sino man sa mga intelligence community ang nakaisip ng “Red October” ay magaling sa propaganda dahil nagawan pa ng kuwento ang umano’y sabwatan ng LP-Magdalo ni Senador Antonio Trillanes at CPP kasama ang New People’s Army at National Democra­tic Front.

At para mapaniwala si Pangulong Duterte sa “Red October” ay mahusay ang naging presentasyon sa kanya na may obra ng natu­rang intelligence report dahil naiparating niya sa commander-in-chief ang lahat ng gusto nitong marinig partikular sa oposisyon.

Duda ako kung mayroon talagang “Red October Plot” dahil nga­yong buwan na ito ang deadline ng paghahain ng certificates of candicay sa Commission on Elections sa lahat ng tatakbo sa 2019 midterm elections.

Oktubre rin ang month of the Holy Rosary na taunang inoob­serba ng Roman Catho­lic Church sa buong mundo at partikular dito sa Pilipinas, busy ang mga estudyante sa mga Catholic school sa pagdarasal ng rosaryo.

Siyempre, may Octoberfest din nga­yon kung saan nagbibi­gay ng promo ang San Miguel Beer ng buy one-take one sa mga bar at kung susuwertehin ka ay may libreng pa-­inom ang SMB sa mga pi­ling lugar.

Ibig sabihin, mara­ming kaganapan nga­yong Oktubre at malabong mangyari ang sinasabi ng AFP na “Red October Plot” lalu pa’t lahat ng mga grupong idinadawit dito ng militar ay nagsipaghayag na wala silang alam sa naturang plano.

Ang tanong na lang ay kung ano naman kaya ang magiging kuwento ng AFP kapag natapos na ang buwan ng Oktubre at lumabas na fake news o kuryente ang kanilang ikinalat sa media na “Red ­October Plot”.