Abante Tonite Interactive

Red tape sa pabahay inangalan

162

Wala pa ring tugon ang pamahalaan sa malaking suliranin sa pabahay para sa mga informal settler sa bansa, ayon kay Senador Sonny Angara.

Sabi nito, nakakaapekto sa agarang kons­truksyon ng mga pabahay ang patuloy pa ring pamamayagpag ng red tape sa ilang ahensya ng pamahalaan.

Katunayan aniya, kailangan pang dumaan ang mga prose­so sa 27 tanggapan, kailangan ding makapaniguro ng 78 permit, 156 na pirma at kaila­ngang makakumpleto ng higit 300 dokumento.

Sa socialized housin­g o mga abot-kayang pabahay, sinabi ni Angara na kailangang abutin pa ng 74 na buwan para lamang sa pre-construction processing, lalo na kung kasama sa pagproseso ang land conversion, pagtitulo at pagpi-finance.

Ito’y dahil sa kung ano-anong dokumento pa ang kinakaila­ngan kaya nawawalan na rin ng interes ang ilang pamilya na asikasuhin ang pagkakaroon ng sariling bahay.

“Sa dami ng lalakaring papel para lamang makumpleto ang requirements, inuubos nito ang oras ng isang pamilya na posibleng makaapekto rin sa oras ng kanilang paghaha­napbuhay,” ani Angara.

Ayon pa sa senador, maging ang mga priba­dong homebuilde­r at mga real estate company ay nagrereklamo na rin sa napakaraming dokumento na kinakailangang lakarin, bago o sa kasagsagan ng konstruksyon ng isang bahay.

Sa ulat na ipinarating ng government housing officials kay Angara, sinabi ng mga ito na kadalasan, umaabot nang mula 12 hanggang 30 buwan bago payagan ng National Housing Autho­rity (NHA) ang isang house construction.

Sa panig naman ng Social Housing Finance Corporation, umaabot nang 16 hanggang 74 buwan ang pre-construction processing time nito para sa kanilang proyekto sa Community Mortgage Program.

Ang mga private developer naman ay gumugugol nang mula 12 hanggang 51 buwan bago makumpleto ang lahat ng pre-building permits. (Dindo Ma­tining)