Abante Tonite Interactive

Referee pinagbabaril pagtapos ng basketball

By
0 159

Dedbol ang isang referee ng basketball matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang ang biktima ay naglalakad papauwi ng kanilang taha­nan sa Mindanao Avenue, Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Kinilala ni P/Sr. Insp. Juan B. Mortel, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District ang biktimang si Christopher Pilapilan, 43, binata, ng #288 Pook Masagana, Bgry. Bahay Toro, QC.

Sa imbestigasyon ni PO3 Roldan Cornejo, ng CIDU-QCPD, ang krimen ay naganap alas-sais nang gabi (Marso 13) sa kanto ng Pluto St., corner Mindanao Ave­nue, ng nasabing lungsod.

Ayon sa report, naglalakad pauwi ang biktima mula sa dinaluhang basketball game nang siya ay sundan, lapitan at walang sabi-sabing pagbabarilin ng suspek.

Nang matiyak na patay na ito ay naglakad lamang papatakas ang suspek.

Sa pagresponde naman ng tauhan ng Scene of the Crime Operative (SOCO) ay apat na basyo ng bala ng kalibre 45 ang nakuha sa crime scene.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek. Tini­tingnan din ang mga kuha ng CCTV para sa agarang ikalulutas ng krimen.