Abante Tonite Interactive

Regalong bahay, posible ba?

By
97

Ber months na naman at isa lang po ang ibig sabihin nito. Pasko na naman, kay tulin talaga ng araw ano po? At pagkatapos ng kaarawan ng ating Panginoong Hesus, ilang tulog na lang at papasok na ang Bagong Taon. 2019 na!!!

Sa pagsapit ng panahong ito, excited ang mga nanay natin sa pag-aayos ng ating mga tahanan. Magkakabit ng bagong kurtina, bagong pintura, bagong Christmas Tree para sa mga can afford at may extrang budget.

Masaya talaga ang Pasko. Mas masaya po para sa may mga sa­riling bahay kasama ang mga mahal nila sa buhay.

Pero paano na ang Pasko sa mga walang sariling bahay? Paano na dun sa mga biktima ng kalamidad na may posibilidad pang magpalipas ng espesyal na okasyon sa mga resettlement area?

Ramdam pa kaya nila ang diwa ng Pasko?

Pasko na. Baka puwede namang humi­ling ng regalo mula sa gobyerno para sa mga kababayan nating wala pang mga sariling bahay.

Kasama po ang isyu sa pabahay sa priority agenda ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) kaya umaasa ang inyong lingkod na maisusulong ang nais natin na disente pero abot-kayang progra­mang pabahay para sa mga informal settler at mahihirap na sapat lang ang kita sa araw-araw nilang panga­ngailangan.

Bilang chairman ng housing committee sa Kongreso, hindi lang po pagtatayo ng bahay ang intensyon natin dito. Mas malawak ang sakop ng ating shelter program. Kasama sa konsiderasyon natin ‘yung mabigyan ang mga benepisyaryo ng access sa mga proyektong pangkabuhayan, transportasyon, edukasyon, kalusugan at trabaho.

Hindi lang po bubong na masisilungan ang itatayo natin kundi mga tahanan at komunidad na may pagkakaisa, pagtutulungan at pagmamahalan.

Sa ilalim ng ating Konstitusyon, mandato po ng gobyerno na bigyan ng disente at abot-kayang pabahay ang mga mahihirap.

Pero ang tanong, kaya ba itong ibigay ng gobyerno sa P300 mil­yong pondo na itinakda sa National Housing Authority (NHA) para sa kanilang budget sa susunod na taon?

Ilang bahay po kaya ang puwedeng maitayo sa ganito kaliit na pondo?

Pagsapit ng 2050, baka kalahati ng popu­lasyon ng bansa ay nakatira na sa mga siyudad . Sa 1.5 mil­yong informal settler sa bansa, nakakalat sa Metro Manila ang 1.6 milyon sa mga ito.

Nagsisimula ng patugtugin sa iba’t ibang shopping mall ang mga pamaskong awitin. Malakas maka-good vibes. Nakagagaan ng damdamin.

Bukod siyempre sa kalusugan ng aking pamilya, may isa pa akong wish na sana ay matupad.

Sana ay magkaroon at maipatupad ng maa­yos ng gobyerno ang mga programang pabahay at maipagkaloob ito sa mga karapat-dapat na benepisyaryo.

Sana ay maging modelong pabahay ito na magsisilbing daan para sa maganda at maunlad na pagbabago sa buhay ng ating mga kababayan. Pasko na po. Maramdaman sana nating lahat ang diwa ng kaarawan ng ating Panginoong Hesus.