Abante Tonite Interactive

Regime extension, round 2

270

Sinabi natin sa espasyong ito noong E­nero na “asahan natin na pangunahing layunin ni Pangulong Duterte sa huling tatlong taon ng kanyang termino ang paghadlang sa regime change at pagtiyak ng regime extension.” Gagawin niya ang lahat upang mapigilan ang pagluklok sa puwesto sa 2022 ng isang Pangulo na hindi niya kakampi. Kung hindi, sa kulungan ang kalalagyan niya at ng kanyang mga tapat na alipores. Ilang paraan upang makamit ito: manatili siyang Pangulo nang habang-buhay; paghalili ng kanyang anak na si Sara Duterte; pagtiyak na maaasahang alyado ang papalit.

Kaya naman, nga-yong tapos na ang halalan, muling binubuhay ng Malakanyang ang iba’t ibang inisyatiba para makapanatili sa poder ang kanyang naghaharing pangkatin nang lagpas sa 2022.

Inilulutang muli ang posibilidad ng pagsunggab ni Duterte sa mga kapangyarihan ng diktador. “Do not force me to declare war, because I have something else,’’ aniya kamakailan. “I have a card which I can throw anytime and you won’t like it. But at least it will give a sense of order.” Paliwanag ni Spokesperson Panelo: “He can impose martial law, he can declare a revolutionary government, he can use other emergency powers.” Maikukulumpon din dito ang ilang pahiwatig ni Duterte na katanggap-tanggap sa kanya ang isang kudeta ng militar sa ngalan ng paglaban sa katiwalian.
Kasabay nito, inihudyat din ni Duterte sa bagong Kongreso ang muling pagbuhay sa charter change (chacha) o pag-amyenda sa Saligang Batas. Pansinin na tahasang inabandona na niya ang pederalismo: “Kaya it’s not for me, in my generation, somebody else’s. But you should change the Constitution actually.” Hindi pederalismo, kundi pagpapanatili sa poder at pagbenta ng pambansang patrimonya at ekonomiya sa mga dayuhang amo ang tunay na pakay ni Duterte. Mainit-init pa, nakaabang sa muling pagsalang, at nakahulma sa naturang layunin ang Resolution of Both Houses No. 15, ang bersyon ng chacha na isinulong at ipinasa sa Kamara ni dating Speaker Gloria Arroyo.

Agad nagpakitang-gilas ang hinirang ni Duterte bilang unang Speaker ng ika-18 Kongreso, si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano. Itutulak daw niya ang chacha at pinagdiinan ang kahalagahan ng term extension – mula sa kasalukuyang 3, gagawing 4 o 5 taon ang panunungkulan ng mga kongresista at lokal na opisyal.

Musika ito sa pandinig ng mga trapo, kabilang ang mga kinatawang kailangan pa rin niyang suyuin, sa gitna ng papalakas na ugong na may kumikilos upang maghalal ng iba bilang Speaker sa araw ng SONA.

At paano ang Senado – libingan ng mga panukalang amyenda sa Konstitusyon? Paksa ito para sa ibang pagkakataon.