Abante Tonite Interactive

Regine parang pinatakan ng kalamansi ang sugat ng GMA

3,233

tonite-diva-chronicles-alwin-ignacio
Pang-reyna talaga ang pagbibigay pugay sa pagiging Kapamilya ni Regine Velasquez-Alcasid. Ang malaking­ tanong sa ngayon, hit o miss nga ba ang ginawa niyang paglipat?

Ang siguradong hits, tatlo agad ang shows ni Chona bilang newly minted Kapamilya. Siyempre pa, mapapanood siya sa ASAP, kung saan marami sa mga madlang pipol ay naglalaway na sa excitement kasi nga makasama na niya si Sarah Geronimo, na talaga namang heiress niya sa karera.

Walang duda na ang SOP reunion, malamang sa ASAP rin nangyari dahil halos lahat ng major singers at talents na kasali noon sa show, Kapamilya na rin. Makaka-asa ba tayo sa isang Back to Back to Back Redux, mula kay Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Jaya, Lani Misa­lucha, hanggang kina Jay-R, Kyla at Jona? Interesting ang paandar na may weekly sitcom na musical kasama sina Ogie Alcasid at Ian Ve­neracion.

Given na dapat kasama ang asawa niya pero ang mas refreshing na addition siyempre pa ay si Veneracion. We know na Ian can carry a tune kaya interesting to see ang future show.

Ang tanong, may sapat na power ba ang headt writer at writers pool at brainstormers na makagawa ng isang musical drama show na parang SMASH o kaya kahit man lang parang GLEE?

Ang huling musical show na ginawa nila eh yung ill-fated Idol with Sarah G., Coco Martin and palamuting Sam Milby. Ang loyal madlang pipol, hindi siya kinagat, mas lalong hindi masyadong pinanood and before we knew it, gone with the wind na ang palabas.

Ang pa­ngatlo, judge siya sa Idol Philippines. Kung may bagong singing contest, ibig bang sabihin natin, tapos na ang The Voice of the Philippines?

Bagama’t templated na ang Idol Phi­lippines na obviously eh American Idol ang nanay, nawa’y mailaban, at ma­ging tunay na pang-Pilipinas ito at may unique ingredient, pawang OPM songs, English of Filipino lang ang ipapakanta sa mga sasali.

Panalong platform ang Idol Philippines para ma-promote at mapakilala sa buong mundo na totoo ngang ang ating musika ay kay ganda.

Maliban kay Mrs. Alcasid, bongga rin sina na pulos babae ang judges. Dapat judge rin si Sarah G at bongga rin sina kung sana ang world class artists na sina Joana Ampil, Lea Salonga o kaya si Rachelle Gerodias.

Kung lalaki naman, dapat si Billy Crawford dahil talaga namang naging major, major name siya lalo na sa Europe.

Eh ano naman ang sablay so far sa kanyang pagiging ka-Dos? Ano pa nga ba kundi ang pahayag niyang, “Bago man lang matapos ‘yung career ko, masabi kong nakatrabaho ko din ang number one station.”

Kahit pa nga sabihin mong well-intentioned at walang malisya at hindi parunggit ang namutawi kay Chona, her declaration, parang katas ng kalamansing ipinatak mo sa sugat. Mahapdi! Masakit!

Na parang ‘yung dalawang dekadang pananatili niya bilang Kapuso at pagre-reyna niya dun, it did not matter at all. Pabalat bunga nga lang ba ang lahat? Na in the deepest parts of her achy, breaky, fragile heart eh she was longing­, pining, wanting, coveting to be a Kapamilya, true? True!

Marami tuloy ang tiyak na sasang-ayon na ang pagngalngal niya sa dati niyang cooking show ay crocodile tears nga pala talaga.

Good luck, Regine Velasquez-Alcasid!­ May your karera soar ngayong Kapamil­ya ka na!

Vice naglalandi

Isa si Vice Ganda na tuwang-tuwang sa pagiging Kapamliya ni Regine. Kung siya ay tuwang-tuwa, marami naman pala ang medyo naririmarim at naalibadbaran kay Queen Bayot sa kasalukuyan dahil numero uno umano itong plastikada at ilusyonada.

May mga concerned nanay at titas of Manila na may opinyon na ang pagsusuot ni Ganda ng eksaherada sa ikling shorts, hindi makatwiran. At ang paglulumandi niya sa mga escort sa Ms. Q and A, pati na rin sa mga magagandang lalaking kalahok sa Tawag ng Tanghalan, asiwang panoorin at hindi magandang ehemplo lalo na sa mga kabataan.

May nagsasabi kasi na dahil sa mga kalandian ni Vice tuwing tanghalian, ang mali nagiging tama sa batang manonood.

Sa tingin niyo, dear Abante Tonite readers, dapat na bang i-call ang attention ni Vice, lalo na ang kanyang fashion styling? Ang kanyang paghuhumarot sa mga Ms. Q and A escort, dapat din bang maging cause of alarm?