Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Rehab center para sa mga child offender

0 365

ABALANG-abala ang buong bansa sa ginaganap na vaccine rollout habang patuloy naman ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 at isa sa nakikitang dahilan ang pagdami nang hindi na sumusunod sa health protocol.

Ayon sa OCTA Research Team ng University of the Philippines (UP) ay pami-pamilya na ang nahahawa kabilang na ang mga bata matapos matiyak na meron ng bakuna ay tila nagsitapang at nawala ang takot na mahawa sa nakamamatay na virus.

Kapansin-pansin na may mga lugar na nagsibalik na ang mga batang hamog sa paggala at hindi na alintana kung may kasalukuyan mang pandemyang nagaganap dahil hindi na rin iniintindi ng kani-kanilang mga magulang.

May mga panahong hinahabol ng pulisya o mga barangay tanod ang mga batang hamog na ito na grupo-grupo at karaniwang nasasangkot sa batuhan at rambulan sa kapwa nila kabataan na karaniwang inirereklamo na ng mga residente sa kani-kanilang lugar.

Malaking suliranin ng ating bansa ang paulit-ulit na pag-aresto sa mga kabataan at pagkatapos ay dadalhin sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngunit kalaunan ay pakakawalan din.

Kahit ang mga pulis ay nakukontento na lamang sa pagsita sa mga batang gumagala at kung hindi rin lang mainit ang sitwasyon ay hindi naman sila manghuhuli dahil wala naman silang mapapala sa panghuhuli ng mga bata.

Sa kasagsagan ng pandemya ay kapansin-pansin ang pagkawala ng mga bata sa lansangan ngunit nitong mga nagdaang buwan ay tila unti-unti nang nagbabalik sa lansangan ang ilang menor de edad na kung hindi may hawak na sigarilyo ay sumisinghot ng rugby o solvent.

Ang mga kabataan na kaya nawiwili sa pagsinghot ng solvent o rugby ay dahil sa nakakalimutan nila ang gutom kapag lango na at lumalakas na ang loob para magnakaw o kaya ay magbenta ng aliw sa murang edad.

Wala namang direktang complainant ang mga ito maliban sa mga netizen o media na inilalathala ang kanilang larawan kaya lamang nabubulabog ang pulisya at nauubliga silang manghuli.

Hindi naman seryoso ang pulisya na linisin ang lansangan para sa mga batang pagala-gala na lulong na sa bisyo o kahit sangkot pa sa mga petty crimes dahil malaking abala lang sa kanila ang pagdadala pa sa mga ito sa DSWD.

Hindi tulad ng mga nasa tamang edad na nakagawa ng krimen ay tiyak na sa kalaboso ang bagsak at kapag sinusuwerte pa ang umarestong pulis ay may tsansa pa silang kumita kung makikipag-areglo ang kanilang inaresto.

Samantalang sa mga batang hamog ay hindi naman puwedeng ikulong kaya ang bagsak ay sa DSWD, pero ang ginagawa lang ng DSWD ay pinapaliguan, pagkatapos ay pinapakain at kapag napagsabihin na ay pakakawalan din agad.

‘Yan ang masakit na katotohanang dahilan kung bakit hindi seryoso ang pulisya na linisin ang lansangan laban sa mga batang hamog dahil dagdag trabaho lamang ang mga ito at wala naman silang mapapala.

Sana ay magkaroon din ng malawak na rehabilitation center sa ibang bahagi pa ng bansa para sa mga batang nasasakote at nahaharap sa mga kasong kriminal na kayang lingapin ang napakaraming batang hamog sa bansa.

Sa Tantangan, South Cotabato kasi ay may 3.9 milyong regional rehabilitation center ang DSWD at tinawag itong ‘state-of-the-art’ at tumatanggap ito ng mga batang lalaki na nahaharap sa mga kaso at sumasailalim sa intensive treatment at rehabilitation hanggang sa tumino.

Tinatawag itong Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) na may kapasidad na 60 beds at pinakamalaki sa rehiyon at nakatayo ito sa may 5,000 square-meters na lote sa Barangay Bukay Pait, Tantangan.

Ito lang ang nakikita kong tamang paraan sa ngayon upang hindi na magpabalik-balik pa sa lansangan ang mga batang dinadampot ng pulisya lalo pa at may curfew nang ipatutupad para hindi dampot-laya ang mangyayari.

Leave A Reply

Your email address will not be published.