Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Rehimeng US-Duterte

0 196

Paboritong target ng mga kritiko ng Kaliwa ang patuloy na paggamit nito ng mga katagang “rehimeng US-Duterte” upang isalarawan ang umiiral na relasyon sa pagitan ng Estados Unidos, bilang dominanteng dayuhang puwersa sa bansa, at ng administrasyon ni Pang. Duterte, bilang nakaluklok na pinuno ng estadong tinayo ng imperyalsimong US at patuloy na sinusuportahan nito.

Patunay umano ito ng kinalawang at dogmatikong pag-iisip ng Kaliwa, ng kabiguan nitong kumawala sa mga lumang islogan, ng kawalan ng kakayahan sa wastong pagsusuri sa nagbabagong realidad. Sabi ng mga maka-Duterte: Paano magiging papet ng imperyalismong US si Duterte? Di ba minumura ni Tatay Digong ang mga Kano? Maagang nag-anunsiyo ng kagustuhang humiwalay sa US? Nagbantang ibabasura ang Visiting Forces Agreement? Sabi naman ng mga maka-US sa hanay ng oposisyon: hindi ba alagad siya ng China? Bakit ipinagpipilit ninyong mga aktibista na “tuta” o “papet” siya ng mga Kano?

Walang dudang numero unong promotor at ahente ng mga interes ng China si Duterte sa larangan ng ekonomiya, pulitika, at kultura. Malinaw pa sa sikat ng araw ang pagbenta niya ng soberanong karapatan ng ating bansa sa West Philippine Sea kapalit ng ayuda, pautang, at pamumuhunan mula sa China. Gayunman, bilang pinuno ng republikang itinaguyod ng mga Amerikano upang ipalaganap ang interes ng US sa Timog-Silangang Asya, nauunawaan niya na nakadepende ang estadong kanyang pinamumunuan sa “security umbrella” ng US; na nakatali sa ekonomiya ng US ang mga estratehikong sektor ng ating ekonomiya. Batid ni Duterte na kailangan niya itong pakitunguhan at paglingkuran kung nais niyang patuloy na matamasa ang suporta ng malaking negosyo, militar, at iba pang susing grupo upang makapanatili sa poder.

Walang higit pang patunay ng kawastuhan ng pariralang “rehimeng US-Duterte” kundi ang pinakahuling kataksilan ni Duterte sa sambayanan. Ating tinutukoy ang kamuhi-muhing paggawad niya ng absolute pardon sa sundalong Amerikano na si Joseph Scott Pemberton, ang mamamatay-tao na umutas sa buhay ng babaeng transgender na si Jennifer Laude noong 2014. Pinatampok ng naging takbo ng kaso laban kay Pemberton at special treatment sa kanya bilang bilanggo kung paano nagigiing balakid sa pagkamit ng hustisya para sa mga Pilipino ang di-pantay na Visiting Forces Agreement. Sa pagbigay niya ng absolute pardon kay Pemberton, winaksi ni Duterte ang anumang nalalabing panahon sa kanyang sentensya at tiniyak ang maaga at mabilis na paglaya ng mamamatay-taong Amerikano; sinagasaan ang apela ng pamilya ni Jennifer Laude at ang pakikibaka ng mga LGBT laban sa diskriminasyon at karahasan; at pinatunayan na nananatili siyang numero unong papet ng imperyalismong US sa Pilipinas at kasuklam-suklam na pinuno ng rehimeng US-Duterte

Leave A Reply

Your email address will not be published.