Abante Tonite Interactive

Reklamo ni Digong sa aregluhan, TRO inaksiyunan ng SC

386

Pinaalala ng Sup­reme Court sa lahat ng hukom sa mababang hukuman ang En Banc resolution nito hinggil sa plea bargaining framework para sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Ito’y kaugnay na rin sa mga paha­yag ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na kumukuwestiyon sa mga inis­yung temporary res­training order (TRO) sa mga infrastructure pro­ject ng gobyerno at pag-apruba ng mga korte sa plea bargaining ng mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Ayon kay SC spokesperson at Public Information Office chief Atty. Brian Hosaka, ina­tasan na ni Chief Justice Lucas Bersamin si Court Administrator Jose Midas Marquez para tingnan ang mga sinabi ng Pangulo.

Sabi ng SC, dapat maging maingat ang mga trial court judge sa pag-iisyu ng TRO at writs of preliminary injunction.

Hinimok din ng SC ang sino man na naapektuhan o naagrabiyado ng umano’y pag-iisyu ng kuwestiyonableng TRO na ipabatid agad ito sa SC at maghain ng pormal na reklamo sa Office of the Court Administrator.

Batay sa SC, sa magkahiwalay na resolus­yon na inilabas nito noong 2018 at 2019, nakasaad na pinapa­yagan lamang ang plea bargaining at probation sa mga drug case sa mga sumusunod na kundisyon:

*kung ang akusado ay kinasuhan ng possession of dangerous drugs at ang dami ng nakumpiskang shabu ay mas mababa sa limang gramo at sa kaso ng marijuana dapat na mas mababa ng 300 gramo.

*kung kinasuhan dahil sa pagbebenta ng shabu, dapat ang nakumpiskang ebidensiya ay mas mababa ng isang gramo at mas mababa ng 10 gramo kung marijuana

*kung kinasuhan dahil sa paglabag sa Section 13 (possession of dangerous drugs during parties, social gatherings or mee­tings) at ang nakumpiskang droga ay mababa sa limang gramo, at sa kaso ng marijuana ay mababa ng 300 gramo.

*kung ang akusado ay empleyado o bisi­ta sa drug den o resort at ang kaso ay pasok sa Section 7 ng Republic Act 9165 (employees and visitors of a den, dive or resort), at wala nang ibang tao na kinasuhan hinggil dito.

Nilinaw pa ng SC na hindi rin pinapayagan ang plea bargaining kapag akusado sa pagdadala ng shabu na tumitimbang ng 5 hanggang 9.99 grams, o ng marijuana na tumitimbang ng 300 hanggang 499 grams.

Hindi rin pinapayagan ang plea bargaining kapag nahulihan ng 10 gramo o higit pa ng shabu at 500 gramo o higit pa ng marijuana; pagbebenta ng shabu na 1.00 gramo o hi­git pa at marijuana na 10 gramo o higit pa; at pagtutulak ng iba pang uri ng iligal na droga.

Samantala, pinaha­yag ng SC na tinugunan na nito ang isyu hinggil sa TRO sa mga proyekto ng gobyerno noon pang 1999 kung saan naglabas ito ng Administrative Circular No. 07-99, batay sa kahilingan ng noo’y Pangulong Joseph Estrada, kung saan pinapaalala sa mga hukom ang Presidential Decree No. 1818 na pinagbabawal ang pag-iisyu ng TRO sa mga kasong may kinalaman sa pagpapatupad ng mga government infrastructure project.

Sinundan umano ito ng Administrative Circular No. 11-2000 kung saan tinawag ang atensyon ng mga lower court judge sa Republic Act No. 8975 na nagbabawal sa mga lower court mag-isyu ng TRO, preliminary injunction o preliminary mandatory injuctions, para maging mabilis ang implementasyon ng mga government infrastructure project. (Juliet de Loza-Cudia)