Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Reklamo sa DA: Gulay triple sinirit ng presyo

0 228

Makikiusap umano ang Department of Agriculture (DA) sa mga negosyanteng supplier ng karne at gulay sa Metro Manila para bawasan ang pinapatong na presyo sa mga produktong binabagsak sa mga wet market.

Kasunod ito ng reklamo ng mga market vendor na halos wala na silang kita at tubo dahil sa napakataas na presyong ibinibigay sa kanila ng mga trader.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na tinututukan nila ngayon ang mga nagdadala ng supply ng pagkain sa Metro Manila at ilang pangunahing siyudad dahil sila ang nagdidikta ng presyo.

“Kakausapin natin itong traders na huwag masyado naman iyong pagsasamantala, huwag naman dapat magsasamantala ngayon na naapektuhan tayo ng bagyo saka iyong supplies,” ani Dar.

Kinakausap na aniya ng DA ang mga market superintendent dahil sila ang nakakakilala sa mga trader na nagdadala ng supply sa ibat ibang wet market.

Dumadaing ang mga tindera sa palengke dahil sila umano ang naiipit sa mataas na presyo lalo na ang mga gulay na sumirit ng triple ang halaga at hindi nila maibenta sa mababang presyo.

Ang siling pangsahog sa nilaga ay P5 kada piraso, P20 sa limang piraso ng okra, habang ang talbos ng kamote ay P20 ang limang tangkay. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.