Abante Tonite Interactive

Reklamo sa Ombudsman test case vs Mocha, kaibigang blogger

By
419

Nakaabang ngayon ang deaf and mute community at iba pang orga­nisasyon na sumusuporta sa mga may kapansanan kung ano ang magiging resulta ng reklamong inihain sa Ombudsman laban kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson at kaibigang blogger.

Dito kasi masusubukan kung epektibo ba ang batas at kung talaga bang may ngipin para ipagtanggol ang sektor ng mga may kapansanan.

Bagama’t naglabas na ng apology si Mocha at ang kaibigang blogger, matigas ang sektor na nasaktan nila na hindi tanggapin ang paghingi ng kapatawaran dahil alam ng grupo na gagawin na naman nila ulit ito.

Paniwala ng mga na-offend sa viral video nina Mocha, nag-sorry lang ang mga ito para matapos na ang isyu.

Desidido ang Philippine Deaf Resource Center na bigyan ng leksiyon si Asec Mocha at kaibigang blogger para hindi pamarisan at para maging wake-up call na rin ito sa publiko na maging sensitive sa damdamin ng kanilang sektor.
Bukod dito, sinabi ni Dr. Liza Martinez, executive director ng grupo na hindi katanggap-tanggap sa isang opisyal ng gobyerno tulad ni Uson ang mga inaakto nito sa publiko.

Matatandaang hindi lang iisang beses na nag-public apology si Uson kapag nakakagawa ng kapalpakan pero makalipas lamang ng ilang linggo o buwan ay may panibago na naman itong gusot dahil sa mga lumalabas sa kanyang blog.
Ang obserbasyon ng iba ay tila malakas ang loob ng opisyal dahil sumasagot pa ito nang palaban kapag nababatikos kahit alam na nagkamali ito. Dahil ba sa malakas daw ito sa Pangulo?

Pero sinabi naman ng tagapagsalita ng Pangulo na susundin nila kung ano man ang kapasyahan ng Ombudsman laban kay Uson.

Kung sisibakin si Asec Mocha ay igagalang ito ng Palasyo ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Hindi kaya ito lang ang hinihintay ng Malacañang para mapagpag si Uson dahil hindi magawang sibakin nang diretsahan? Personal na pananaw ko lang po ‘yan.

Kahit kasi mismo ang boss ni Uson sa PCOO ay tahimik at dumidistansiya sa isyu na tila ba pinangingilagan ito.
Well, hintayin po natin ang magiging kapasya­han ng Ombudsman dahil dito ay mabibigyan ng pagkakataon si Mocha na ibigay ang panig at ipagtanggol ang sarili.

Kabilang sa mga reklamong kinakaharap ni Uson sa Ombudsman, kasama ang kaibigang blogger ay paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, paglabag sa Civil Code of the Philippines, paglabag sa Cybercrime Prevention Act, paglabag sa Magna Carta for Persons with Disability at paglabag sa United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities.

Inireklamo rin si Uson sa Commission on Human Rights kaya tiyak na magkakaroon ito ng panahon na magmumuni-muni.
Abangan ang susunod na blog este kabanata!