Abante Tonite Interactive

Reklamo vs water company ibinuga sa social media

315

Inulan ng batikos ang Prime Water Infrastructure Corporation mula sa mga customer nito dahil sa umano’y palpak na serbisyo at sobrang taas ng singil ng kompanya.

Ayon kay dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao, nakalulungkot na pro­fit ang siyang pangunahing interes sa pag-takeover ng Prime Water na pag-aari ng bilyonaryong mag-asawang Sen. Cynthia at Manny Villar, sa mga water district at hindi para umigi ang serbisyo at magkaroon ng maayos na supply ng tubig.

Ani Casilao, habang panay pa­puri si Pangulong Rodrigo Duterte sa Prime Water dahil sa kaalyadong si Villar, ang katotohanan, ang mga resi­dente ng Marilao, Bulacan; Tayabas, Quezon; Bacolod City, Negros Occidental at Zamboanga City ay inia­angal ang mataas na singil at mga water interruption ng Prime Water.

Inihalimbawa ni Casilao ang kaso sa Zamboanga kung saan nagrasyon ang Zamboanga City Water District ng tubig sa mga consumer dahil ang tubig na sinusuplay ng Prime Water ay 28.8 million liters a day (MLD) lamang habang sa contractual commitment ay 50 MLD dapat.

Sa San Pablo sa Laguna ay ini­rereklamo ang napakataas na singil na umabot sa P1,200 mula sa dating P400 lamang kada buwan.

Sa Quezon; Lemery, Batangas; Los Baños at San Pablo sa Laguna; Batangas City at Rosario sa Batangas at Daraga, Albay ay idinadaing ang mass layoff dahil sa pag-takeover ng operasyon ng Prime Water.

Samantala, idinaan sa social media ng mga customer ng Prime Water ang kanilang reklamo laban sa water firm ng mga Villar.

Sa FB post ni Reigne Salameda ng Bagasbad Road, Daet, Camarines Norte, sinabi niya na gabi lang dumarating ang tubig sa kanila, pagkatapos ay madaling-araw pa lang ay wala na.

“Parang graveyard ang sche­dule ng tubig. Pero kung maningil ang aga,” daing pa niya.

Inireklamo naman ni Jocelyn Palarca Cunanan ng Gapan, Nueva Ecija ang umano’y pangit na serbisyo ng Prime Water, bukod pa sa mahina ang tulo ng tubig

Iniaangal naman ni Citadel Bundalian ang kalidad ng tubig na nagmumula sa Prime Water.

“Bakit po marumi ang tubig, parang may kalawang,” pagtatanong niya.