Relasyong PH at Taiwan

344

Kasama na ang Taiwan sa temporary travel ban na pinaiiral ng Pilipinas bunsod ng 2019 novel coronavirus outbreak.

Nagkaroon pala ng kalituhan sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Ma­nagement of Emer­ging Infectious Di­seases, kung kasama na ba o hindi ang Taiwan sa temporary travel ban na ipinatupad ng bansa noong Pebrero 2.

Paliwanag ni Health Undersecretary Eric Domingo na dahil isinama ni Pangulong Rod­rigo Duterte at ng IATF resolution ang China, at dahil sinusunod ng World Health Organization (WHO) ang One-China Policy, ay kasama na ang Taiwan sa travel ban. Unang napaulat na sakop ng temporary travel ban ang mga bisita mula sa mainland China at sa dalawang special administrative region na Hong Kong at Macau.

Tiyak na aangal dito ang Taiwan dahil matagal na silang naninindigan na hindi sila sakop ng China. Katunayan nga, sa isinagawang eleksyon noong Ene­ro, mu­ling nanalo si President Tsai Ing-wen matapos nitong ilampaso ang sinasabing alaga ng China na si Han Kuo-yu.

Umaasa naman si MECO chief Angelito Banayo na mababago pa ang travel ban dahil sa gaganaping pagpupulong ng Task Force nCoV sa Miyerkoles. Giit pa niya, dapat daw ibase ang desisyon sa ‘health reasons’ at hindi sa politika. Alam naman nating sanggang dikit ni Pangulong Duterte ang China.

Pero kung makakaapekto sa travel ban ang kalagayan ng ilang daang libong Pinoy na nagtatrabaho sa Taiwan, sana ay mapanigan ang interes ng nakararami.

Kagagaling lang natin sa away sa Taiwan, ‘wag naman sanang magkaroon ito ng part two.

***

Tiwala si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na matutuldukan na ang problema ng muling paglaganap ng polio sa bansa sa nilaang P350 milyon para sa pagpapagawa ng mga public toilet. Ang ebak kasi ang pangunahing dahilan kaya tinatamaan ng polio ang mga bata.

Tantiya ni Defensor, 17,500 na bagong public toilet ang maipapagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa P350 milyong pondo. Para masi­gurong ‘di makurakot ang kubeta fund, sinabi ng mambabatas na dapat i-catalogue ito ng DPWH at DOH sa kanilang website.

‘Wag lang sanang sasakyan ng politikong nagbabalak tumakbong presidente ng bansa ang proyektong ito.

Tonite – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...