Abante Tonite Interactive

Relyebo kay Fajardo problema ni Guiao

By
681

Panigurado, maghahanap ng big man ang Gilas Pilipinas ngayong kumpirmado nang out ng 6-8 weeks si San Miguel Beer slotman June Mar Fajardo.

May “stress fracture” sa kanang alulod ang 6-foot-10 four-time PBA MVP, posibleng sa kalagitnaan na ng PBA Go­vernors Cup sa Oktubre makakalaro.

Tatama ang kanyang pagpapagaling sa se­cond round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Sa Sept. 13 dadayuhin ng Gilas ang Iran, makalipas ang apat na araw ay ihu-host naman ang Qatar sa Smart Araneta Coliseum.

Sina Fajardo, Gabe Norwood at Baser Amer lang ang hindi binagsakan ng suspension ng FIBA kaugnay sa riot sa home game ng Pilipinas kontra Australia noong July 2 sa Philippine Arena.

Si Yeng Guiao ang ninombrahan na huma­wak sa Nationals habang binubuno ni coach Chot Reyes ang one-game suspension mula FIBA.

Malamang ay pasok pa rin sina Norwood at Amer sa second round ng FIBA WCAQ, kailangan ngayong maghanap ng 10 pa, higit ang big man na hahalili sa puwesto ni Fajardo.

Bitbit ni Guiao sa Asian Games ang core ng Rain or Shine kina Norwood, Chris Tiu, James Yap, Maverick Ahanmisi, Raymond Almazan at Beau Belga. Sinahog niya sina Paul Lee, Poy Erram, Stanley Pringle, Christian Standhardinger at Asi Taulava, humabol si Fil-Am Jordan Clarkson.