Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Remdesivir niraraket ng mga ospital

0 172

Ni Nancy Carvajal

Nagpasaklolo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa National Bureau of Investigation (NBI) para kalkalin ang raket diumano ng ilang ospital at iba pang medical institution na sobrang maningil sa ginagamit na Remdesivir bilang gamot sa COVID-19.

Sa liham ng PhilHealth kay NBI Director Eric Distor, ilang health care facility umano ang nagsasamantala sa pagtaas ng demand para sa Remdesivir.

“In line to this, may we request the NBI to conduct investigations on the overpriced Remdesivir, proliferating in the hospitals and other related institutions,” lahad ng PhilHealth.

Base umano sa ilang dokumento na ibinigay ng PhilHealth sa NBI, may mga ospital na naniningil sa mga insurance company ng hanggang P20,000 kada 5ml botelya ng naturang gamot.

Nakita ng online news site Politiko (politics.com.ph) ang listahan ng mga ospital na iniimbestigahan ng NBI at kabilang dito ang malalaking health care facility sa Metro Manila.

Nauna nang inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na ang Remdesivir ay dapat na nagkakahalaga lamang ng mula P1,500 hanggang P8,200.

Sinabi rin ng DOH na ang paggamit ng naturang antiviral drug ay kinakailangan ng compassionate use permit mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Nagbibigay lamang ng permit ang FDA para sa mga lisensiyadong doktor at ospital.

Leave A Reply

Your email address will not be published.