Abante Tonite Interactive

Remulla kay Digong: Middle class tulungan din

868

Hinihiling ni Cavite Governor Jonvic Remulla kay Pangulong Rodrigo Duterte na isama sa social amelioration program ng gobyerno ang mga pamilyang Pilipino na kabilang sa itinuturing na middle class.

Sa kanyang Facebook page, ibinahagi ng gobernador sa publiko na sumulat siya sa Pangulo upang maiparating ang kanyang kahilingan.

“Sumusulat po ako ngayon para sa ating mga kababayang middle class. Ako po ay mula sa isang lalawigan kung saan 70% ng mga mamamayan ay migrante. Ito po ay ang mga kababayan nating naiangat ang mga sarili nila sa buhay: nangutang upang makabili ng kanilang unang bahay at sasakyan, may mga anak na pinagtatapos ng kolehiyo. Humigit-kumulang 300,000 sa kanila ay nagtatrabaho sa Maynila, may 400,000 naman ang nagtatrabaho sa ating economic zones. Ang aming poverty incidence sa lalawigan ay isa sa pinakamababa sa buong bansa at ang aming per capita GDP ay isa sa pinakamataas sa lahat sa labas ng Metro Manila,” bahagi ng liham ni Remulla.

Nabatid na pangunahing bibigyan ng tulong sa pamamagitan ng social amelioration program o SAP na ipamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasa 18 milyong mahihirap na pamilyang Pilipino.

Kabilang dito ang mga binibigyan na ng tulong ng gobyerno sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Subalit binigyang-diin ni Remulla na lahat apektado ng kinakaharap na krisis sa kasalukuyan na dulot ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

“Ang pandemic na ito ay isang krisis para sa lahat. Hindi lamang para sa pinakamahirap nating kababayan, kung hindi pati na rin sa mga taong nagtaguyod ng sarili ngunit hindi pa rin sapat. Sila rin ay naghihintay sa tulong ng lokal na pamahalaan. Sila ay nagtitipid, nagsasanla, nangungutang—para lamang makaraos,” ayon pa sa gobernador.

Tonite – Wendys Inhouse Ad