Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Rena reyna sa balibagan

0 85

NAGSAGAWA ng mahusay na standing technique si Filipino-Japanese Rena Furukawa para paliparin si Myat Noe Wai Chu ng Myanmar at makuha ang full point score sa women’s 57kgs tungo sa gold medal sa 31st Southeast Asian Games sa Hoai Duc Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.

Kulang ang limang minuto ng laro para sa 24-anyos na Pinay-Japanese lady judoka na kinailangang umabot sa golden score round upang maisakatuparan ang tagumpay at mahigitan ang bronze medal performance noong 2019 SEA Games sa bansa.

Naibalibag ni Furukawa ang Burmese judoka sa 2:17 minuto ng extension sa pamamagitan ng uchi-mata technique.

Nauna munang tinalo ni Furukawa sa semis si Oraphin Senatham sa pamamagitan ng ground pinning para sa full point na iskor. Ngunit bago rito ay tinalo muna ng Filipina-Japanese si Dalin Cheng ng Cambodia

Hindi naman pinalad ang isa pang Filipino-Japanese na si Keisei Nakano na makuha ang inaasam na gintong medalya matapos matalo kay Basen Apriyadi ng Indonesia sa men’s 73kgs division.

Muling natalo ang 25-anyos na male judoka sa Indonesian athlete, na minsang dumale sa kanya noong 2019 edisyon sa bansa sa Laus Group Event Center sa San Fernando, Pampanga.

Nakatakdang sumabak ngayong Biyernes ang nalalabing Filipino judokas na sina 2019 SEA Games champion Shugen Nakano sa men’s 66kgs, Bryn Quillotes sa men’s 60kgs at Daryl Mercado sa men’s 55kgs, habang sa women ay sasabak sina Jeanalane Lopez sa 45kgs, Leah Lopez sa 48kgs at 2019 double-bronze medalist Khrizzie Pabulayan 52kgs. (Gerard Arce)

Leave A Reply

Your email address will not be published.