Abante Tonite Interactive

Repatriation hiling ng OFW sa Oman

12

Sir/Madame,

Magandang araw po.

Maraming salamat sa pagkakataon. Humihingi po ako ng tulong dahil nahihirapan ho kasi ako sa mga alaga ko  at isa pa ho, pinagsasalitaan ako ng masasakit hindi lang ng amo ko  pati mga kapatid n’ya. Sinabi pa hong masama daw akong babae.

Naghilom na nga ‘yung mga kalmot ng mga bata, saka kung anong mahawakan n’ya binabato n’ya sa akin. Natatakot na rin ho ako,  baka may mangyari sa mga bata at kahit hindi ko kasalanan baka pagbintangan ako.

Sana po matulungan n’yo ako. Gusto ko na lang umuwi ng Pilipinas  at sana ay matulungan ninyo ako. Salamat po.

Mari Ann Equiab

***

Ang ating kababa­yang si Mari Ann Jaramil Equiab ay duma­ting sa Oman noon pang Dis­yembre 12, 2015 sa pamamagitan ng ­ORTIZ AGENCY AND ­EMPLOYMENT SERVICES at pinagtrabaho sa isang AHMED MOHAMMED MA­YOOF ALRASHDI sa  SALALA, NORTH SAADAH.

Pero hindi naging maganda ang kanyang sitwasyon sa kanyang employer kaya humihi­ling itong ma-repatriate na lamang pauwi ng bansa. Ang U-OFW  sa pangunguna ni G. John Leonard Monterona at  BayaniKa  ay nagtutulungan upang mabigyan ng karampatang tulong.

Nauna nang naipa­alam ng U-OFW ang kahilingan ni Equiab at naiparating na sa mga kinauukulang ahensya ng gobyernong nanga­ngalaga sa kapakanan ng mga OFWs kagaya ng POLO-OWWA OMAN, OWWA RAD, POEA REPATRIATION UNIT at OFFICE OF THE POEA ADMINISTRATOR pero nananatiling wala pa ring aksyon ang mga kinauukulan.

Kaya naman sa pamamagitan ng BayaniKa ay  muli tayong nananawagan sa OWWA at POEA na bigyang atensyon ang mga ka­tulad ni Equiab na nanga­ngailangan ng kalinga ng pamahalaan upang hindi na mapahamak.