Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Resbak sa lumayas na misis: Erpat nilitson 2 anak

0 253

Sinunog ng isang ama ang kanilang sariling bahay dahilan ng pagkamatay ng dalawa nitong anak at ikasugat ng isa pang pamangkin Biyernes ng madaling araw sa bayan ng Catarman, Northern Samar.

Ayon sa pulisya, patuloy pa nilang inaalam ang dahilan kung bakit sinunog ng suspek na si Fernando Ford Frigillana, 39, walang trabaho, ang kanilang bahay sa Barangay Dalakit ng nabatid na bayan.

Nasawi sa insidente ang dalawa nitong anak na nasa edad 13 at 16-anyos habang nagtamo naman ng minor burn ang 13-anyos nitong pamangkin na nakuhang makalabas ng nasusunog na bahay.

Sa ulat ni Senior Fire Officer 2 Ruben Calumpiano, ng Catarman Bureau of Fire Protection (BFP), ika-4:30 ng madaling-araw nang sunugin ng suspek ang kanilang bahay habang nasa kasarapan ng tulog ang dalawa nitong anak at pamangkin.

Sa imbestigasyon, humigop umano ng gasolina ang biktima sa isang motorsiklo saka isinaboy sa kanilang bahay at sinilaban ito.

Dahil gawa sa kahoy ang bahay ay mabilis na lumaki ang apoy at matusta ang dalawa nitong anak.

Suwerteng nakalabas ang pamangkin na nagtamo ng minor burn.

Sa imbestigasyon ni Police Staff Sgt. Ronald Dente, ang suspek ay nasa ilalim ng rehabilitasyon dahil sa sobrang pag-iinom ng alak at nauna na itong inireklamo ng pananakit ng kanyang asawa.

Dahil sa kalupitan tuwing nakakainom ay nilayasan ito ng kabiyak kasama ang pito sa siyam nilang anak.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Catarman Municipal Police Station (MPS) ang suspek habang inihahanda ang kasong arson at double parricide laban sa kanya. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.