Abante Tonite Interactive

Respeto ituro sa mga mag-aaral

0 156

Dear Abante Tonite:

Nalungkot ako sa sinapit ng isang mayor dito sa Metro Manila, sabi kasi nakatanggap siya ng mga masasamang salita mula sa mga humihiling na ng suspensyon ng klase, kasunod ng epekto ng ashfall noong Lunes.

Ipinakita niya ang natanggap na mensahe kung saan sinabihan siya ng mga offensive word na sa tingin ko’y hindi naman dapat na sabihin kung estudyante nga sila at talagang nag-aaral.

Ako man ay madidismaya sa inasal ng mga batang ito. Walang sinuman, kahit pa opisyal ng pamahalaan, ang dapat na tumanggap ng mga ganitong uri ng diskriminasyon.

Dapat na may gawin dito ang mga magulang, eskuwelahan at pamayanan. Oo, maging ang alkaldeng ito ay dapat na may gawing hakbang para mabago ang asal ng mga mag-aaral na ito.

Kung hindi nila maigagalang ang mga nakatatanda at mga opisyal ng pamahalaan, paano sila makakukuha ng respesto para sa kanilang sarili?

Higit sa edukasyon na binibigay natin sa kabataan, dapat higit pa nating idukdok sa mga batang ito ang kababaang loob at respeto para sa lahat.
Cynthia ng Caloocan