Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Respeto sa gobyerno at karapatang pumili ng bawat tao

0 238

Nitong nakalipas lamang na ilang araw, kami, gayundin ang iba pang punong-lungsod ng mga siyudad at munisipalidad, ay nakatanggap ng atas mula sa Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na ihinto ang paga-announce ng ‘brand’ ng bakuna na nakatakdang iturok sa mga vaccination sites.

Walang duda na kami sa lungsod ng Maynila ay tatalima sa nasabing polisiya upang maging patuloy na kaisa ng national government authorities.

Gayunman, nais ko ding tiyakin na ang karapatan ng mga mamamayan na makapamili ng gusto nilang brand ay patuloy na igagalang, kasama na din ng desisyon kung gusto nilang magpabakuna o hindi.

Kailangang balansehin ang sitwasyon, kung saan patuloy na nirerespeto ang karapatan ng tao na pumili ng bakuna na ituturok sa loob ng kanilang katawan habang atin ding sinusunod ang polisiya ng gobyerno.

Dahil diyan kung kaya’t ako ay nagpapayo sa aming mga residente na habang di pinapayagan ng pamahalaan ang pagbubulgar ng brands sa nakatakdang mga bakunahan, hindi kasama sa atas na ang mga tao ay bawal magtanong.

Maari nilang tanungin sa mismong vaccination site kung saan sila nakapila, kung anong brand ang ipamimigay sa araw na iyon. Kapag nalaman nila at hindi nila kursunada ang bakuna, maari silang magdesisyon na lumipat sa iba bagamat ito ay maaring makalikha ng ‘inconvenience.’’

Naniniwala ang inyong lingkod na may karapatan ang mga tao na makapamili ng gusto nilang ibakuna sa kanila at para sa akin, dapat itong igalang.

Hindi maaring ipagdamot ng pamahalaang-lungsod sa mga magtatanong ang tamang impormasyon dahil nga karapatan nilang malaman dahil katawan nila ang tatagangap ng bakuna at sarili nilang kalusugan ang pinag-uusapan.

Inilalagay ko lamang ang aking sarili sa kanilang sitwasyon kung kaya’t para sa akin, marapat lamang na ang mamamayan ng Maynila ay dapat na payagang alamin ang gusto nilang impormasyon at mula doon ay bumuo ng desisyon.

Para sa akin, mahalaga na ang tumatanggap ng bakuna ay may kapanatagan ng kalooban, tiwala o naniniwala sa bakuna na kanilang ipinapasok sa kanilang katawan.

Yamang napag-uusapan na rin lang ang vaccination, nais kong muling pasalamatan at papurihan ang masisipag at mababait naming vaccinating teams sa pamumuno nina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan.

Ito ay matapos na muling malagpasan ng lungsod ang sarili nitong record nang makapagtala ng 16,261 kataong nabakunahan sa loob lamang ng isang araw.

Gayundin, nito lamang kamakalawa ay nabigyan tayo ng sipi ng NCR Overall Summary report ng Regional Vaccination Operations Center kung saan naitala ang Maynila sa lahat ng lungsod sa Metro Manila bilang may pinakamataas na bilang ng nabakunahan ng first dose, na may kabuuang 188,146 katao.

Dahil ang kabuuang bilang ng mga nakatanggap sa NCR ng first dose ay nasa 979,136 o humigit-kumulang 7.28 percent ng populasyon sa buong bansa, nakakataba ng puso na ang halos 20 percent nito ay mula sa lungsod ng Maynila.

Ako ay natutuwa at buong pagmamalaking pumupuri sa aming masisipag na City Hall officials at employes na hindi man lamang nagrereklamo kahit pa pinagta-trabaho ko sila ng Sabado, Linggo o maski piyesta opisyal at ‘yan ay sa loob napakahabang 14 oras, para lamang mayakap at mabakunahan ang mas maraming taga-lungsod. Masaya din sila na gawin ito.

Tuwing maganda ang supply ng bakuna, hindi bababa sa 18 vaccination sites ang sabay-sabay naming binubuksan at ito ay mula alas-6 ng umaga hanggang alas- 8 ng gabi.

Sa aming mga doctors, nurses, encoders, vaccinators at iba pang kasama at tumutulong sa vaccination program ng lungsod, ituloy ninyo ang magandang gawain. Mula sa kaibuturan ng akng puso, maraming salamat sa inyong lahat.

Ang mga kagaya ninyo ay tunay na ‘source of pride and inspiration’ hindi lamang ng mga kapwa ninyo serbisyo publiko kundi maging ng mga Batang Maynila.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.