Abante Tonite Interactive

Respeto sa mga taong may kapansanan

127

Kaye Dacer

Kung madadaanan n’yo ang mga parking space may makikita ka­yong slot na para sa may kapansanan o person with disabilities. Inilalagay `yun para sa kanila sa pagsunod na rin sa batas na nakapaloob sa Magna Carta ng mga taong may kapansanan.

Ngunit bakit parang balewala sa ibang tao ang pagsunod sa mga bagay na ito kagaya na lamang ang simpleng parking slot na para sa kanila ay tahasang ginagamit at hindi sinusunod ng mga taong wala namang kapansanan. Ilang beses na akong personal na nakakasaksi nang paggamit ng wala namang diperensya sa kanilang katawan ang gumagamit nito at ang masama pa ay pinapayagan lamang ng ilang nagbabantay at pagpayag sa paggamit nito.

May ilan din akong mga nakausap na nangyayari sa kanila ang ganitong insidente na minsan ay nagkakaroon ng problema sa mga parking slot para sa kanila lalo na noong nakaraang panahon ng Kapaskuhan. Wala silang mahanap na par­king slot para sa kanila at nabanggit pa nila na ang pinakamasakit nilang nasasaksihan ay ang pumaparada ay wala namang problema sa kanyang katawan.

Ang tahasang paglabag dito ay ‘di lamang ang pagsuway sa batas kundi maituturing na ding isang ugaling ‘di maganda ng isang tao na ‘di susunod dito. Ginawa ito para sa mas malayang paggalaw ng isang tao na may kapansanan ngunit bakit mayroong mga taong ‘di marunong mahiya na gumagamit nito na wala namang kapansanan sa kanyang katawan.

Nakalagay sa batas ang isang barrier-free environment para sa kanila na ang ibig sabihin ay malayang paggalaw ng isang tao na may kapansanan sa publiko o pribado mang establisimiyento na mababasa sa BP 344 o Accessibility Law.

Isa pang nakikita din nila ang minsan kawalan ng respeto sa kanila ng iba.

Sana daw ay mapalawig ang batas na para sa kanila at mas maunawaan ng mga taong wala namang kapansanan na bagama’t gusto nilang mamuhay ng normal ay magkaroon naman daw ng suporta sa kanila para magawa nila ito sa pagsunod na lamang sa mga batas na nagpoprotekta sa kanila.

Isa rin sa aking napansin tuwing ako ay manonood ng sine ay ang kawalan ng rampa ng mga movie house para sa pagpili ng mauupuan sana nila na hindi naman ganoon kalapit sa screen. Napapansin ko kasi na ‘yun lamang unahan ang tanging kaya nilang maupuan na wala na halos umuupo dahil nga sa una ay nakakahilo dahil sa sobrang lapit sa screen at dahil na rin sa walang ibang paraan para sila ay makapamili ng upuan sa medyo mataas na bahagi dahil sa kanilang wheelchair.

Sana ay maisip nilang maglagay ng upuan na medyo malayo sa screen para sa mas maayos nilang panonood. Espasyo na maaaring makaakyat at mailagay ang kanilang wheelchair.

At isa pa ring napapansin natin ang kawalan ng ilang news program na mayroong sign language inset na sana ay ipagtibay ng batas para sa mas malinaw nilang pang-unawa sa mga nangyayari sa ating mga kapaligiran.

Lahat ng ito ay dapat gawin at irespeto ng mga normal na tao nasa gobyerno man o wala at sana lang ay iwasan nating gumamit ng mga bagay na nakalaan para sa kanilang mas mala­yang paggalaw. Mahiya naman kayo!