Abante Tonite Interactive

Responsibilidad ng Grab ang mga pasaway nitong driver

280

Kaye Dacer

Hugas-kamay ang Grab sa pagde-activate ng libu-libo nilang mga driver dahil sa problema sa provisional authority.

Para kasi maging lehitimong Grab driver ay kailangan mong magkaroon ng provisional authority mula sa Land Transportation Franchising­ and Regu­latory Board (LTFRB).

Ito ay parang prangkisa kung ikukumpara sa mga taxi, jeepney at bus.

Malaya kang makaka­biyahe kay Grab kung may hawak kang ganitong dokumento.

Kaya bago mag-Hunyo 10 ay pinaalalahanan ng Grab ang kanilang mga driver-partner tungkol sa provisional authority at sa naunang ulat na 8,000 walang PA ay 5,000 ang walang karampatang dokumento kaya na-deactivate ang serbisyo.

Ang sa akin tama ang ginawa ng Grab na pag-deactivate sa ilan nilang mga driver-partner pero dapat ay habulin din ng LTFRB ang Grab sa kanilang kapalpakan bilang siyang nanga­ngasiwa sa mga driver.

Hindi naman puwedeng lagi na lamang sa sarap magkadamay si Grab at kanilang mga driver-partner. Dapat maging sa hirap ay magkadamay sila. Habulin din dapat ni LTFRB si Grab at panagutin sa sablay ng kanilang mga driver-partner.

Parang walang pina­g-iba ang kanilang sitwasyon sa isang kompanyang nag-e-empleyo ng mga walang kaukulang permit kaya napapatawan ng parusa ni Department of Labor and Employment (DOLE) at pagkaminsan ay nasususpinde o naipapasara ang sangkot na kompanya.

***
Sumawsaw naman tayo sa walang katapusang usapin sa Speakership ng Kamara.
Pasensya na at nanggigigil lang ako sa ilang contender sa pagka-Speaker na wala nang ginawa kundi kaladkarin ang First Family.

Bakit kaya hindi na lamang hintayin ang araw ng botohan at kilalanin kung sino ang tunay na may bilang.

Alam nating may mala­king papel ang Pangulo sa pagpili ng Speaker dahil nasaksihan na natin ito sa mga nagdaang panahon.

Kanya nga lamang magkaroon naman sana ng kahihiyan ang mga kandidatong walang ginawa kundi magdidikit sa Pangulo at sa ilang miyembro ng First Family at ipangalandakang sila na ang napipisil sa puwesto.

Kaya hindi na tayo nagtataka kung bakit hindi pa rin tinatantanang batikusin ang mga kandidatong walang karanasan sa pamumuno at tanging bitbit lamang na kuwalipikasyon sa pagtakbong Speaker ay dahil madalas silang kasama ng Pangulo.

Sabi nga ni dating Press Secretary Rigoberto Tiglao sa isang aspirante “why on earth this 41 year old congressman who had troubled route to his congressional seat, have the gall to think he can be peaker, in the league of such political titans as the late Ramon Mitra, Jose de Venecia, Manuel Villar and Gloria Macapagal Arroyo.”