Abante Tonite Interactive

Ressa nagkuripot sa travel bond

181

Pinayagan ng Manila Regional Trial Court si Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa na makapagbiyahe sa abroad ngayong Marso at Abril.

Subalit kaila­ngan muna ni Ressa na magbayad ng kabuuang P300,000 travel bond para makalipad patu­ngong San Francisco, Italy at New York.

Unang itinakda ng korte ang P500,000 tra­vel bond subalit nagkuripot ang kampo ni Ressa at tumawad sa inihaing urgent motion nitong Huwebes. Ibinaba naman ito ng korte sa P100,000 bawat biyahe o kabuuang P300,000.

Sa kabila nito, hindi pa rin kuntento ang abogado ni Ressa at gustong maibaba ang kabuuang travel bond sa P50,000 o P100,000 lamang.

Ang kaso ni Ressa sa Manila RTC ay bunsod ng isinampang cyber libel ng negosyanteng si Wilfredo Keng kaugnay ng artikulong lumabas noong 2012 na ipinagamit umano ng negosyante ang kanyang SUV sa noon ay chief justice na si Renato Corona.

Inaresto si Ressa noong Pebrero 13 at idinetine sa National Bureau of Investigation (NBI) at nagpiyansa naman ng P100,000 kinabukasan para sa kanyang pansamantalang kalayaan.