Abante Tonite Interactive

Reunion time

KAMPI TAYO

By
425

25 years na pala ang nakakalipas. Ito, nakatanggap na ako ng tawag. May viber group na kami para sa isang malaking pagtitipon. Gaganapin ito sa school grounds. Panahon na nga ng school reunion. Kumustahan, catching up. Isang malaking event ng mga magkaklase.

Excited na ang marami sa aming block mate. May time ka­sing maka-bonding ulit ‘yung mga nakasama natin sa paglaki at pag-aaral. ‘Yung iba, umuuwi pa ng Pilipinas. ‘Yung iba, pinag-uusapan na lang kasi namatay na. Iyung iba, magugulat ka na lang at hindi mo na makikilala dahil ang laki nang pinagbago ng mga itsura.

Bakit ba may mga reunion? Gusto kasi natin ulit makita ‘yung mga taong nakasama natin pero hindi na natin nakikita. ‘Yun kasi ‘yung masayang chapter ng buhay natin sa kolehiyo. Tapos kasama na rin ‘yung checking kung ano nangyari sa mga buhay natin. Merong nakapag-asawa, merong hiwalay, merong na­ging pari, merong yumaman, merong naghirap, merong sumikat, merong nagkasakit. Maraming mga kuwento na pag-uusapan dahil maraming sanga ng buhay ang ating tinahak nang hiwalay matapos maka-gra­duate.

Sa unang pagkaka­taon na magkikita kayo after 25 years, medyo ilag pa ang datingan. Natural kasing isipin na baka, tinatantya ka ng mga kasama mo… kung ano ang nangyari sa buhay mo, lalo pa’t kung isa ka sa inaasahan nilang aasenso dahil sa ga­ling mo sa eskuwela. Nandu’n din ‘yung pangamba na malaman nila ang nangyaring hindi maganda sa pamilya mo, iyung pagiging single mom, o kaya iyung pagiging broken family.

Pero sa brighter side tayo tumuon. Sa reunion, excited kang makita ‘yung crush mo dati, tas titingnan mo kung tumaba na, o kung maganda pa… o kung single na ulit… puwede rin ‘yung syota mo dati, na hindi mo nakatuluyan dahil ayaw sa iyo ng magulang niya o dahil napikot ka dahil nabuntis mo ‘yung ibang babae. Tas pabiro or lakas loob mo siyang haharapin at tatanungin kung ano kaya ang nangyari kung kayo ang nagkatuluyan.

Puwede rin na aamin ka na crush mo siya nu’n pero hindi ka makaporma dahil may boyfriend siya. Andu’n din ‘yung mapapatawad mo na ‘yung kaklase mong sagad ang galit mo dahil sa mga ginawa niya sa iyo nu’ng bata pa kayo.

Sa seryosong aspekto, masaya talaga ang reunion. Bukod sa renewing friendships, andu’n iyung genuine concern mo sa mga kaibigan mo ng mahabang panahon. Nandoon iyung affection mo at kahandaang tumulong sa mga kasama mong hindi naging masuwerte sa buhay. Hindi iyun panahon ng pagyayabangan. Hindi iyun lugar ng pasikatan. Pagkakataon iyun para makasama mo ang mga dati mong kamag-aral at maka­bawi ka man lang sa kabutihan nila nu’ng nagdaang panahon na ikaw ang may kaila­ngan ng tulong at ‘di ka niya pinagkaitan.

Ang reunion ay pagbabaliktanaw sa lahat ng naranasan natin bilang mga bata sa paaralan. May reunion dahil mahalaga sila sa atin… at mahalaga rin ang pinagdaanan natin na naging dahilan para maging ganito tayo ngayon.

‘Wag kang mawawala.