Abante Tonite Interactive

Reunion

411

Alec Paolo Ventocilla

Pumutok ang balitang pagbabalik ni 2011 MVP Derrick Rose sa kanyang hometown at sa team na nag-draft sa kanya noong 2008 bilang No. 1 overall pick, ang Chicago Bulls.

Dahil unrestricted free agent sa bakasyon at tapos sibakin bilang coach ng Minnesota Timberwolves si Tom Thibodeau, na kanyang coach din sa Chicago Bulls, malaking dahilan ito sa maaaring paglisan ni Rose sa Timberwolves.

Nakabibigla ang pagsibak kay Thibodeau noong Enero dahil niligwak ito matapos pang manalo at tambakan ang Los Angeles Lakers.

Naging maganda ang season ngayon ni Rose, nag-a-average ng 18.0 points per game, 4.3 assists per game habang may career-high 37% shooting sa three-point area at sa katunayan ay nasa usapin siya ng MIP o Most Improved Player.

Ngunit nitong Marso 23 lang ay nasagawa ng arthroscopic surgery sa kanyang kanang siko na naging dahilan para hindi na siya makalaro sa buong season.

Hindi maikakaila na nasa puso pa ni Rose ang Chicago. Dahil bukod sa kanyang hometown, dito rin siya nahubog at tinanghal na ‘Youngest MVP’ ng NBA sa edad lamang na 22-anyos.

Sa kanyang unang walong taon sa Bulls, pitong taong nagtungo ang team sa playoffs at umabot pa nga sa Eastern Conference Finals sa kanyang MVP season noong 2011.

Ayon sa kanyang agent na si B.J. Armstrong, bukas ang pinto ni Rose sa pagbabalik-Chicago.

“I think we’re going to look at everything, we want to look at the situation,” ani Armstrong. “There isn’t a situation we would not look at because Derrick is still a very capable player. We’ll see what the Bulls have.”

“There’s no secret, there’s no doubt that in his heart, Chicago will always be there. We’ll see. I don’t know what the Bulls are going to do at this particular time… If it presented itself, we’d be open to that conversation. We’ll find out in due time,” panapos nito.

Sa ngayon ay wala pang balita na interesado ang Bulls kay Rose. Pero abangan na lang natin ang mangyayari ngayong summer.

***
Patuloy niyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi sa Abante News Online. Maraming salamat po!