Abante Tonite Interactive

Reward sa mga impormante ng sindikato ng illegal drugs, ipinasa

304

Isang panukalang ordinansa ang ipinasa sa Quezon City Council na nagbibigay ng reward sa mga impormante na makapagtuturo ng malalaking sindikato ng illegal drugs upang makatulong sa kampanya ng pamahalaan sa giyera kontra iligal na droga.

Ipinanukala ang ordinansa ni Quezon City Fifth District Councilor Allan Butch Francisco na may temang bigyan ng reward ang mga impormante sa mga komunidad na makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga high value at high profile illegal drugs sa kanilang mga lugar sa lungsod Quezon.

Ayon sa ordinansa ni Coun. Francisco ang mga ibibigay na impormasyon ng nasabing concerned citizen ay magbibigay kalutasan para maiwasan ang krimen at napakahalagang bagay sa mga alagad ng batas sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin para sa komunidad para sa epektibong kampanya laban sa krimen at illegal drugs ope­ration.

Sa kasalukuyan meron dalawang (2) batas ng national na nagbibigay ng reward system sa makapagbibigay ng impormasyon sa paglutas ng krimen at paglaganap ng iligal na droga subalit limitado lamang ang naturang batas.

Sinabi pa ni Francisco na ang naturang ordinansa ay para hikayatin ang mga mamamayan na tulungan ang mga alagad ng batas sa pagbibigay ng impormasyon laban sa mga high-value at high profile na gumagawa ng droga at nagpapakalat nito, nagmamantine ng drug den at iba pa.