Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Reyes nakilala sa diyaryo: Alamat ng bilyaran

0 236

Si Efren ‘Bata’ Reyes ang isa sa sports personalities na ipinakilala, sinundan, at pinanday ng print media.

Dekada 90, hindi pa uso ang social media. Si Bata na ang laman ng balitang palakasan.

Siya na ang headline noong mga panahon na ang kuhaan ng balita ay sa pagbuklat ng pahina ng mga diyaryo, hindi ang pag-swipe pataas-pababa sa screen ng smart phone para masundan ang nilalaman ng mga hindi natutulog na platform tulad n Twitter, Instagram at Facebook.

Ipinipina pa lang ng cue artist na tubong Pampanga ang pangalan sa tabi ng mga alamat sa laro ay sinundan na siya ng sambayanang Pilipino noong panahon na agawan pa ang sportswriters sa makinilya, unahan sa fax machine at telepono.

Kahit gabi siya sumargo at kinabukasan pa malalaman kung paano niya inubos ang bola, parang dinig pa ang katik ng mother ball kung magbunyi ang mga tagahanga.

Sa diyaryo din nalaman na lumaki sa bilyaran si Bata, natutulog sa ibabaw ng mesa.

SM food to go Banner Ad

Nang magsimulang tumumbok sa mga big time na torneo, pinuno niya ang eskaparate ng tropeo.

Nariyan ang 1990 World Cup, 9-Ball Championships, World Eight-Ball, Color of Money, World Professional Pool, Derby City Classic, US Open, ESPN Challenge, Tokyo Open, World Pool League, World Eight-Ball, Japan Championship, World Cup of Pool.

Three-time awardee ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Athlete of the Year, Hall of Famer ng Billiard Congress of America at One Pocket.

Lahat sa diyaryo bumalagbag.

Dahil sa kanyang kasikatan noong kapanahunan, nagsulputan ang mga bilyaran sa mga kanto.

Higit tatlong dekada na sapul nang magsimulang makilala, 66-year-old na si Bata pero wala pang lehitimong nakakuha sa tibay ng kanyang pulso at talas ng kalkulasyon.

Siya pa rin ang nag-iisang hari ng bilyar, ang alamat sa tumbukan. (Vladi Eduarte)

Leave A Reply

Your email address will not be published.