Abante Tonite
Mabilis sa Balita

RFID-Easytrip, palitan ng pangalan

0 242

“Uneasytrip,” “Easyscam,” “Badtrip” at iba pa ang mga lumalabas na mungkahi ng mga motoristang netizen na dapat ipalit sa pangalan ng RFID ni Manny Pangilinan na “Easytrip” dahil sa dami pa rin ng reklamo.

Pero bago ‘yan, pag-usapan muna natin mga tropapips ang obserbasyon ng suki nating kurimaw na mahilig makiangkas sa naranasan niyang trapik sa Araneta Avenue sa Quezon City na ang itinuturo niyang dahilan ay ang “exit” o off-ramp ng Skyway 3 ng mga galing sa South.

Galing Sta. Mesa ang kurimaw natin na papunta sa SM North at dumaan siya sa Araneta Avenue. Pero halos isang kilometro na lang bago sila makarating sa Quezon Avenue, doon na siya inabot ng matinding trapik.

Kung langit nga daw ang feeling sa pagbiyahe sa ibabaw ng Skyway 3 dahil walang trapik, kabaligtaran naman daw naranasan ng mga nasa ibaba ng Araneta Ave. Ang nakita niyang dahilan ay ang “merging” ng mga sasakyan sa ibaba ng Araneta Ave, at mga sasakyang pababa sa “exit” ng Skyway 3 na masyadong malapit sa Quezon Ave.

Bukod sa malapit sa Quezon Ave ang “exit,” may tila “poste” o mahabang “tubo” raw mula sa Skyway na nakasasabal din sa mga sasakyan na bumibiyahe sa Araneta Ave. Kaya ang two-way na lang na daanan ng mga sasakyan sa ibaba, nagiging isa’t kalahati na nagdudulot ng pag-imbudo kaya tumitindi lalo ang trapik.

Delikado rin daw sa disgrasya ang puwesto ng “off-ramp” dahil ang mga sasakyan na manggaling sa Skyway na liliko pakanan sa Quezon Ave, puwedeng makagitgitan ang mga sasakyan mula sa Araneta Ave.

Dapat sigurong dumaan ang mga kinauukulan sa inirereklamong lugar partikular sa rush hour sa gabi para makita nila mismo kung ano ang kailangang gawin para maibsaw ang trapik at maiwasan ang “accident waiting to happen.”

Samantala mga tropapips, may iba pa tayong mga kurimaw na motorista na nagtataka naman kung ano raw kaya ang ginagawa ng Toll Regulatory Board o TRB, at maging ng Department of Transportation (DOTr) para kalampagin ang kompanya ni Manny Pangilinan na nasa likod ng Easytrip-RFID dahil sa dami pa rin ng reklamo.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Aba’y kung hindi raw kaya ng mga namumuno ng TRB at DOTr na banggain ang kompanya ni Pangilinan para ayusin ang serbisyo, mabuti pa raw na mag-resign na sila at kapalit sa kanila si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.

Ang himutok ng mga kurimaw natin, ang mga nawawala pa rin na load, at hindi ma-check kung papaano sila kinakaltasan sa bawat daan nila sa mga highway ng Easytrip na NLEx, SCTEx, CAVITEx, C5 Southlink, at CALAX.

Kamakailan lang, nagbabala na naman si Gatchalian na paparusahan ang NLEX na sakop ng Valenzuela kapag hindi pa rin niresolba ang mga natatanggap niyang reklamo tungkol sa nama-magic na load na biglang naglalaho, sobra o doble ang kaltas.

Ang Facebook page ng Easytrip, puno rin ng komento ng mga motoristang netizens na nagrereklamo. Bukod sa nawawalang load, inirereklamo nila atrasadong pasok ng load, walang sumasagot sa hotline at hirap ma-download na app. at kung ano-ano pa.

Mungkahi ng ilan nating kurimaw, kung nanghihingi naman ng email add kapag naglo-load, bakit hindi obligahin ang Easytrip na magpadala ng “resibo” sa email para makita ng mga motorista kung papaano nagamit o naubos ang kanilang load.

Kahit daw sabihin kasi na may app para mamonitor ang load, marami sa mga motorista ang tiyak na hindi marunong gumamit nito, walang internet o data, bukod pa sa reklamo na hindi madaling ma-download ang app.

Kaya may mga nagmumungkahing palitan ni Pangilinan ang pangalan ng RFID nila at tawaging “uneasytrip,” “easyscam,” “badtrip” at iba pa. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.