Abante Tonite Interactive

Rider, angkas dedbol sa dump truck

336

Parehong patay ang isang rider at ang kanyang angkas nang makasalpukan ng kanilang motorsiklo ang isang dump truck sa pakurbadang bahagi ng kalsada sa Brgy. San Jose, Antipolo City Linggo nang hatinggabi.

Kapwa dead on-the-spot matapos magtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang mga biktimang nakilalang sina Vladimir Galvez, na siyang nagmamaneho ng motorsiklo, at angkas na si Ryan Haropohop, parehong nasa hustong gulang at mga residente ng Tanza sa Brgy. San Jose.

Naaresto naman ng rumespondeng mga pulis ang driver ng dump truck na si Charlie Pating.

Batay sa ulat na ipinadala ng Antipolo City Police sa Police Regional Office 4-A, naganap ang sakuna dakong alas-12:10 nang hatinggabi sa kahabaan ng Marcos highway sakop ng Sitio Cabading, Brgy. San Jose.

Dahil sa lakas ng salpukan, tumilapon ang mga biktima mula sa kanilang motorsiklo at agarang nasawi nang bumagsak sa kalsada.

Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang driver na si Pating. (Edwin Balasa)