Abante Tonite Interactive

Rider binaril ng lasing

356

Ni Cherk Balagtas

Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ang isang tricycle driver na namaril ng kalugar na motorcycle rider na napadaan sa pinag-iinuman ng grupo ng suspek sa Caloocan City kamakalawa nang gabi.

Mabilis na umeskapo sa kanilang lugar ang suspek na kinilalang si Ruel Lategio matapos barilin at tamaan sa magkabilang binti ang biktimang si Joshua Tablate, 19-anyos, binata at isang factory worker.

Sa ulat ng Caloocan City Police, bandang alas-11:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Lot 1581, Gimilina, Brgy. 171, Bagumbong ng nasabing lungsod.

Angkas ng biktima ang kanyang tiyahin nang mapadaan sa nag-iinumang grupo ni Lategio. Bigla na lang umano binuhusan ng alak ni Lategio ang daraanan ng motorsiklo ng biktima dahilan para huminto ito.

Kinompronta ng biktima si Lategio hanggang magkaroon na sila ng mainitang diskusyon at humantong pa sa suntukan.

Naawat naman sila at umalis na ang biktima kasama ang tiyahin pero sinundan pala sila ng suspek na armado na umano noon ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Nang makarating ang magtiya sa kanilang bahay ay pinaputukan ng suspek ng dalawang beses ang biktima na tinamaan sa magkabilang binti saka mabilis na tumakas.