Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Rider ipit sa utos ng IATF vs. motorcycle safety

0 602

SIMULA sa darating na lunes ay huhulihin na ang mga magkaangkas sa motorsiklo maging mag-asawa man o hindi sa oras na maaktuhan silang bumibiyahe ng walang standard barrier sa pagitan ng driver at angkas.

Ito ay bukod sa suot ng magkaangkas na helmet at facemask ay kinakailangang may gamit na protective barrier na aprubado mismo ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa kabla ng napakaraming tumututol.

Ilang araw ding pinag-usapan sa media ang hindi magandang dulot ng naturang barrier dahil laban umano ito sa hangin habang tumatakbo ang motorsiklo na maaring magdulot ng aksidente.

Maging ang mga motoring expert at leader ng mga samahan ng motorcycle enthusiast ay wala kahit isa ang nagsabi na ligtas ang pagpapatupad ng barrier na ito dahil sa hindi umano ito dumaan sa enginnering at tamang balanse.

Ngunit nanaig ang mga nagpapatupad ng panuntunan matapos ihayag na ang unang disenyong inilabas mula sa Bohol na gawa sa bakal at makapal na acetate ay isang buwan na umanong ginagamit ng mga residente at wala namang naaaksidente.

Isa pa sa naaprubahang disenyo ng protective barrier ay ‘yung tila backpack na isinusot sa likod ng driver na gawa sa hard plastic at may handle sa gawing ibaba para hawakan ng nakaangkas.

Maliban sa mga nabanggit na disenyo ng barrier ay wala ng iba pang pinahihintulan ang IATF kaya ang bibiyaheng magkaangkas na wala nito ay tiyak na huhulihin na sa darating Lunes.

Hindi puwedeng gumamit ang mga magkaangkas ng sarili nilang disenyo tulad ng plywood, karton at iba pang maaaring gawing harang sa pagitan ng driver at angkas dahil tiyak na sa kalaboso ang bagsak.

Kaya para sa mga kababayan nating naiipit kung dapat bang sundin ang paggamit ng protective barrier o dapat na huwag itong gamitin dahil delikado ay wala kayong magagawa kung hindi ang sumunod pansamantala.

Kung ayaw ninyong sumunod dahil sa nangingibabaw ang takot ay makabubuting huwag na muna kayong mag-angkas hanggang hindi pa tumitining ang usapin hinggil dito.

Pero kung hindi naman maiiwasang mag-angkas ay wala kayong magagawa kung hindi ang sumunod kahit laban pa sa inyong kalooban dahil sa kailangang may umiiral na panuntunan mula sa pamahalaan.

Na kung titingnan natin sa mas malawak na pananaw ay wala namang layunin ang pamahalaan kung hindi ang kaligtasan ng mamamayan kabilang ang mga magkaangkas sa motorisklo na huwag mahawa sa COVID-19.

Lalo pa at napakarami ng mga magkaangkas ang nagpapanggap na mag-asawa para makabiyahe lamang gamit ang mga pekeng dokumento na napakadaling ipagawa sa kahabaan ng Recto.

Napakalakas din ng pressure mula sa grupo ng motorcycle taxi na makabalik na sa paghahanapbuhay kaya ingat-ingat na ating pamahalaan kung paano dahan-dahang maibalik ang kanilang serbisyo.

Hindi naman ito usapin kung ano ang dapat mas masunod kung kaligtasan sa pagmamaneho o kaligtasan laban sa COVID-19 dahil ang dapat na umiral ay ang kaligtasan laban sa dalawang panganib.

Huwag nating isipin na kontrabida ang pamahalaan hinggil sa usaping ito, sa halip ay mas tingnan natin ang positibong aspeto nito sa kabila ng napakaraming pagtutol sa protective barrier.

Alalahanin nating maraming eksperto sa pagmomotorsiklo ngunit walang eksperto sa virus.

Leave A Reply

Your email address will not be published.