Abante Tonite Interactive

Rider namaril ng 3 teenager

357

Malubhang nasugatan ang tatlong teenager matapos silang pagbabarilin ng isang lalaking back ride sa nakasalpukang motorsiklo ng mga biktima sa Candelaria, Quezon Linggo ng madaling-araw.

Unang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan pero inilipat din sa isang ospital sa Lucena City ang mga biktima na kinilalang sina Genove Estolano, 19; Kien Ivan Estolano Delos Reyes, 18, at isang 14-anyos na binatilyo.

Batay sa ulat, tinatahak ng motorsiklo ng mga biktima ang kalsada sa bahagi ng Brgy. Mangilag Sur nang makasalpukan ang motorsiklong minamaneho ng kanilang kaanak na si Ladislao Dequito Tubo, 44, dakong ala-1:10 ng madaling-araw.

Nagkaroon ng pagtatalo na ikinagalit ng back ride ni Tubo na si Bernie Olvida, 24, tubong Tanauan City.

Bigla na lamang bumunot ito ng baril at pinutukan ang tatlong biktima.

Matapos ang pamamaril mabilis na tumakas ang dalawang suspek pero naaresto rin si Tubo sa follow-up operation ng mga pulis samantalang pinaghahanap pa rin si Olvida. (Ronilo Dagos)