Abante Tonite Interactive

Rider nasagi ng 14-wheeler

94

Sugatan ang isang motorcycle rider matapos masagi ng isang 14-wheeler truck sa Magallanes Flyover sa Makati City kahapon ng madaling-araw.

Agad naman naisu­god sa Ospital ng Makati ang rider na hindi na binanggit ang pangalan, nasa edad na 30- hanggang 35-anyos matapos magtamo ng matinding pinsala sa kanang braso.

Agad naman sumuko sa mga awtoridad ang driver ng truck na nakila­lang si Nicole Singian, nasa hustong gulang.

Base sa imbestigasyon ng Makati City Traffic Bureau, alas-12:40 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa Magallanes Flyover Southbound Lane ng nasabing lungsod.

Kuwento ni Singian, masikip ang daloy ng trapiko sa nasabing tulay dahil sa lubak-lubak ang kalsada na iniiwasan ng mga motorista nang big­la umanong sumingit ang isang motorsiklo na kung saan minamaneho ng biktima hanggang sa nasagi at tumilapon nang ilang metro ng layo ang una.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to physical injury ang driver ng truck at kasalukuyan nakapiit sa nasabing himpilan ng pulisya.