Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Rider pisak sa 12-wheeler truck

0 85

Todas ang isang rider matapos mabundol at magulungan pa ng 12-wheeler truck habang magkasabay na bumabaybay sa Commonwealth Avenue, Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa nagrespondeng miyembro ng QC Task force Disiplina, nakilala ang biktima sa pamamagitan ng ID na si Reymond Uayan.

Sa inisyal na report sa QC Traffic Sector 5, patungo umano ang driver ng truck na si Darwin Barilla sa Antipolo City galing Commonwealth Avenue nang maramdamang may tumama sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan.

Kasabay nito ay narinig na lamang ni Barilla na binubusinahan na siya ng mga kasabayang motorista, kaya hininto ang sasakyan. Doon ay nalaman niyang may sumalpok na motorsiklo at pumailalim ang rider sa kanyang truck.

Ayon sa mga saksi, nakita nilang pagewang-gewang ang motorsiklo ng biktima bago ito tumama sa truck at natumba, napailalim at nagulungan ng sasakyan.

Nakapiit na ang truck diriver sa QC Sector 5. Iginiit nito na hindi mabilis ang kanyang pagpapatakbo nang mangyari ang aksidente. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.