Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Rider tinubo ng tsuper sa mukha

0 50

Sugatan ang isang rider makaraang hara­ngin ang sinasakyan niyang motorsiklo ng bus driver saka hinataw ng tubo sa mukha sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Omar Patasaha, 23-anyos, binata, at naninirahan sa Durian St., Luzon Ave. Brgy. Pasong Tamo, QC.

Agad namang naaresto ang suspek na si Andy Nicolas, 40, walang asawa, tubong Bicol at residente ng Gumaoc East, San Jose del Monte, Bulacan, ng mga tanod na sina Ricky Castillo at Paps Ali ng Brgy. Commonwealth, QC.

Sa report ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-9:30 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa Commonwealth Avenue corner Don Fabian St., Brgy. Commonwealth.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Anthony Lubos, sakay umano ng motorsiklo ang biktima nang harangan ng bus na minamaneho ng suspek.

Dahil dito ay huminto si Patasaha at nakita niya na galit na bumaba si Nicolas na armado ng tubo at agad hinataw sa mukha ang nauna dahilan upang mawalan ito ng malay.

Agad namang tinulungan ng mga tanod ang biktima saka ina­resto ang suspek.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng nagkagitgitan ang mga sasakyan ng biktima at ng suspek kaya hinabol ng bus driver ang rider at nang maabutan sa lugar ay nanakit na. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.