Abante Tonite Interactive

Riding-in-tandem buking sa droga

358

Nabisto ng mga pulis ang dalang shabu ng dalawang lalaking­ magka-angkas sa motorsiklo nang sitahin ang mga ito dahil sa hindi pagsusuot ng helmet at tumanggi pang magpa-inspeksiyon sa Gen. Trias City, Cavite kamakalawa nang hapon.

Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng mga suspek na kinilalang sina Anjo Pareja, 31, binata, at Augusto Atis, 40, may-asawa, parehong naninirahan sa Tanza, Cavite.

Sa ulat ni P/Cpl. Ronald Didal ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-5:50 kamakalawa ng hapon nang magsagawa ng Oplan Sita ang mga elemento ng naturang himpilan sa Brgy. Pasong Camachile 2 kung saan pinara ang dalawang suspek na magka-angkas sa isang motorsiklo dahil pareho silang walang suot na helmet.

Hiningi ng mga pulis ang lisensiya ng nagmamanehong si Pareja pero wala itong maipakita at tumanggi rin magpa-inspeksyon.

Subalit nang kapkapan na sila, nakuha sa kanilang pag-iingat ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng .80 gramo at may street value na P5,000.

Ikinulong ang dalawang suspek sa Gen. Trias City Custodial Center at nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), RA 10054 (Motorcycle Helmet Act of 2009), RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code), at resistance and disobedience upon agent of person in authority. (Gene Adsuara)