Abante Tonite Interactive

Rido, politika, droga sinisilip sa nilikidang narco mayor

0 236

Tatlong anggulo ngayon ang sinisilip ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pag-ambush kay Talitay, Maguindanao Mayor Abdul Wahab Sabal na pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Malate, Maynila noong Lunes ng gabi.

Sa press briefing kahapon sa Quezon City Police District (QCPD) Station 10 sa EDSA Kamuning, sinabi ni NCRPO Director Police Maj. Gen. Debold Sinas, na kabilang sa mga anggulong sinisilip sa pagpatay kay Sabay ay rido o away ng mga maiimplu­wensiyang mga angkan sa Mindanao, politika at iligal na droga.

Dahil dito, bumuo na ang NCRPO ng Special Investigation Task Group (SITG) sa kaso ng pinaslang na alkalde.

“We are looking on rido unless otherwise the family refute us kasi very colorful din ang background nitong pamilya nito doon sa Mindanao, so we are looking on that possibility, unless otherwise iyong family has this different ideal,” ani Sinas.

Ayon kay Sinas, hawak na nila ang kopya ng close circuit television (CCTV) footage sa crime scene kung saan nakunan ang gunman na siyang bumaril sa alkalde.

Sinabi pa ng opisyal na naka-helmet ang gunman kaya hindi ito nakilala at sa kasalukuyan ay wala pa silang itinuturing na person of interest sa krimen.

“Nakita dun sa CCTV na iyong taong bumaril sa kanya ay naglakad galing sa kabilang kalye, kaya ang nahagip ng CCTV ay iyong papunta doon, walang feedback na sniper,” ayon pa sa opisyal.(Armida Rico)