Abante Tonite Interactive

Rigen, Ever Arm, Ada Farm pinatigil sa pyramiding

642

Tatlong kompanya pa ang inisyuhan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ng cease and desist order para tantanan na ng mga ito ang paghihingi ng investment sa publiko nang walang kaukulang lisensiya at maituturing na pyramiding.

Pyramiding o Ponzi scheme ang dahilan kaya ipinasara ang Kapa Community Ministry International na ‘donation’ ang tawag sa mga kinukubra nitong pera sa mga tao at ‘blessing’ ang tawag sa ibi­nibigay na kita sa mga nagbibigay ng pera sa kanila.

Pinatitigil na ng SEC ang Ever Arm Any Marketing, Ada Farm Agriventures, at Rigen Marketing sa pagso-solicit ng investment sa publiko sa utos ng Commission en banc na nilagdaan noong Hunyo 4. Nabatid na hindi rehistrado ang Ever Arm sa SEC.

Sabi ng SEC, pyramiding o Ponzi scheme ang raket ng Ever Arm dahil nangangako ito ng sobrang taas na interest na 500% ng wala pang isang buwan habang sinasabi nito sa mga tao na wala itong pagkatalo.

Investment naman sa sisiw ang alok ng Ada Farm. Ang minimum investment na P500 ay para sa 10 sisiw na pagkakakitaan ng 80% pagkatapos ng 60 araw.

Hindi rin rehistrado sa SEC ang Rigen Marketing pero mayroong Rigen Wellness Product Marketing na rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI) bilang sole proprietorship sa pa­ngalan ng isang Rico John Colorines Garcia sa Tagum City.

Nasa P10,000 naman ang investment sa Rigen Marketing na ang pinangangakong interes ay 400%.

Nagbabala ang SEC sa lahat ng mga nag-aahente sa mga investment scam tulad ng pyramiding na may parusang kulong at multang aabot sa P5 milyon ang maaaring ipataw sa kanila. (Eileen Mencias)