Abante Tonite Interactive

Rivera bumida sa Players C’ship

By
191

Napuyat tayo noong Huwebes sa pagsubaybay sa laban ng ating kababayang si Marc Rivera sa mga pinakamagagaling na poker player sa PokerStars No Limit Hold’em Players Championship na ginanap sa isla ng Bahamas.

Hindi naman nasa­yang ang ating pagpupuyat dahil umabot sa final table si Rivera at nagtapos ito ng pangatlo mula sa field of 1,039 players.

Hindi rin nasayang ang 28 oras na biyahe at tatlong stopovers na binuno ni Rivera para makasali sa torneo dahil mag-uuwi siya ng tumataginting na $2,168,000 o P113,257,404.

Ito ang pinakamalaking payout na nakuha ng isang Pinoy sa live tournament at nagtulak kay Rivera sa tuktok ng all-time money list among Pinoy poker players.

Meron na ngayong $2,472,648 career earnings si Rivera na angat pa ng konti sa combined earnings ng sumunod na dalawa na sina Noli Francisco ($1,350,550) at John Tech ($1,108,580).

Inabot na ng Biyernes ng umaga sa Pilipinas ang final table kung saan na-out si Rivera ni Julien Martini ng France.
Sa panayam sa kanya bago ang final table, sinabi ni Rivera na proud siya na i-represent ang Pilipinas sa Players Championship.

Mas lumabas din ang kanyang pagiging patriotic sa television interview sa kanya matapos ang torneo kung saan sinabi niya ang mga magagandang nangyayari sa Pilipinas kabilang na ang pagkakapanalo bilang Miss Universe ni Catriona Gray at ang nalalapit na laban ni Manny Pacquiao.

Tinawag din niya na “greatest ever president” si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa laki ng iuuwing pera ni Rivera, sigurado tayong nakaabang sa kanyang pagdating ang mga alagad ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sana lang ay mapanood ng mga ito ang kanyang papuri kay Digong at mabigyan siya ng diskuwento.